AMPUAN GANG PINATUTUGIS NG PNP

IPINAG-UTOS ng Philippine National Police (PNP) ang pagtugis sa mga miyembro ng ‘Ampatuan criminal group’ na sinasabing sangkot sa madugong engkuwentro sa tauhan ng pulisya na ikinasawi ng tatlong parak habang apat naman ang nasugatan sa Santa Margarita, Samar noong nakalipas na Enero 30.

Iniutos ni PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr., kay Eastern Visayas Police Chief P/Brig. Gen. Reynaldo Pawid na tugisin ang mga sangkot sa madugong shootout.

Magugunitang unang nagsagawa ng operasyon ang mga pulis upang isilbi ang warrant of arrest laban sa pinuno ng grupo na si Edito Ampuan Jr. at ang kaniyang mga tauhan na sangkot sa gun-for-hire at assassinations.

Sinabi ni Acorda na dapat paigtingin ng mga parak ang kanilang pagtugis sa Ampuan gang at hindi rin ang mga ito dapat umatras sa operasyon dahilan ang naturang gun-for -hire groups ay protektado umano ng ilang mga pulitiko sa lalawigan.

Sa operasyon ay nadiskubreng ang bahay na tinutuluyan ng nasabing gang ay may mga tunnels na ikinasorpresa ng mga operatiba ng pulisya kaya nalagasan ang mga ito.

Ayon pa sa PNP Chief may aral na natutunan sa nasabing operasyon ay mula dito’y higit pang paiigtingin ng kapulisan ang kanilang kahandaan sa pagsabak sa mga grupong kriminal tulad ng Ampuan gang.

Magugunitang binisita ni Acorda ang burol ng nasawing pulis at mga nasugatan sa Samar.
EUNICE CELARIO