SA HALIP na itago, nais ni Senador Panfilo Lacson na isapubliko ng mga mambabatas ang kanilang isinusulong na amendments sa pambansang badyet para sa susunod na taon, sa pamamagitan ng pag-post nito sa kani-kanilang website.
Ito ang naging hamon ni Lacson sa mga kasamahan sa lehislatura upang siguraduhing walang pork ang mga pondong nakapaloob sa 2020 national budget.
“We should make everything public. That includes all amendments we submit, whether institutional or individual. We have our own websites, we should use them for this purpose, as I did for the 2019 budget,” paliwanag ni Lacson.
Sa pagbubunyag ng senador, nakaugalian na ng ilang mambabatas na ibulong na lamang o kaya’y isulat sa napkin ang kanilang individual amendments, at isumite ito sa chairperson ng finance o appropriations committee.
Dahil sa kalakarang ito, karaniwan umanong nauuwi na lamang sa bulsa ng mga mambabatas ang malaking bahagi ng pondo para sa mga proyekto na isinulong nila sa pamamagitan ng individual amendments.
Nauna nang inilagay ni Lacson sa kanyang website ang institutional amendments na isinulong niya para sa pambansang gastusin para sa 2019.
Ang institutional amendments, base sa kahilingan ng mga ahensiya para sa prayoridad na proyekto bukod sa una nilang naisumite, ay dumaan sa pagpaplano at pagsusuri.
Ang individual amendments ay isinusulong ng mga mambabatas na kadalasan ay wala silang konsultasyon sa mga implementing agency.
Ayon kay Lacson, maaaring ituring na pork barrel ang individual amendments base sa ruling ng Korte Suprema noong 2013, kung saan sakop ang “all informal practices of similar import and effect, which the Court similarly deems to be acts of grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction.”
“Instead of having their amendments undergo scrutiny in floor deliberations, some lawmakers propose their amendments verbally, or even scribble them on napkins,” pagbubunyag pa ni Lacson.
Kung lahat ng amendments ay mailalagay, aniya, sa websites, magiging klaro ang mga ito sa publiko at mawawala rin ang pagdududa na nagbubulsa ng pondo ang mga mambabatas.
“Most if all lawmakers have their own websites. Why not post their amendments there, for the public to scrutinize?” dagdag ni Lacson. VICKY CERVALES
Comments are closed.