ANA JALANDONI MATAGAL NANG BINUBUGBOG NI KIT THOMPSON

Inamin ni Ana Jalandoni na matagal na siyang sinasaktan ni Kit Thompson.

Matatandaang binugbog si Jalandoni ni Kit noong March 18 sa isang hotel sa Tagaytay City at nakaligtas lamang ito nang dumating ang mga pulis.

Noong una raw siyang saktan nito, alam na niyang may problema dahil may anger management problem si Kit at mainitin ang ulo.

Una raw siyang sinaktan ni Kit noong nag-beach sila.

“Pagod na pagod po ako tapos nag-dinner kami. Pagbalik namin sa room, naligo siya and ako nasa bed. Sinampal niya ako ng gising and nagulat din ako, noon niya ako unang nasampal. Nag-sorry naman siya after,” kwento ni Ana. “Pinaliwanagan ko siya na dapat hindi gano’n pero nag-ano na rin ako no’n na may mali.”

Ani Ana, mahal pa rin niya si Kit dahil hindi naman ito agad nawawala, pero hindi niya deserve o ng sino mang babae ang mak aranas ng tulad ng naranasan niya.

Wala rin umano siyang balak na makipagbalikan sa nobyo dahil ang mahalaga sa kanya ngayon ay maipaglaban niya ang kanyang karapatan bilang babae.

“Hindi po katanggap-tanggap ‘yung nangyari sa akin pero ‘yung love po, nando’n pa rin po siya,” dagdag pa niya.

Nilinaw din ni Ana na walang third party na involved at walang basehan ang sinasabi ni Kit na pagseselos. Mainitin lamang umano talaga ang ulo nito at mabilis ang kamay sa pananakit.

Ayon sa abogado ni Ana, itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso na violation of section 5 (a) of Republic Act 9262 o the Anti-Violence against Women and Children Act.

WILLIE REVILLAME MAS KUMPORTABLE SA YOUTUBE

Wala raw pakialam si Willie Revillame kung mas mataas man ang ra­ting ng mga programang pumalit sa dati niyang timeslot sa GMA-7 na Dapat Alam Mo! nina Kim Atienza, Emil Sumangil, at Patricia Tumulak.

Ayon sa datos ng AGB Nielsen NUTAM, mas mataas ang rating ng nasabing programa kumpara sa rating ng Wowowin. Sabi naman ni Willie, “Sa inyo na ‘yang ratings. Basta ako, gagawa ako ng kabutihan sa aking mga kababayan at sa kapwa ko.”

Para sa kanya, mas malaya siya ngayon sa kanyang show dahil hindi na siya nakatali sa kontrata sa isang istasyon. Mas maganda umano ang pagbabalik-programa niya via YouTube at Facebook dahil magagawa niya ang lahat ng gusto niya.

“Kasi pag nasa channel ka, ‘Pssst, bawal ‘yan, di puwede ‘yan,’ di ba? Pag naggi-guest ka ng artista galing sa ibang channel kahit hindi na lumalabas, ‘Bawal ‘yan, di pupuwede ‘yan,’ ang hirap,” dagdag pa niya. “Gusto mo pagandahin ang programa mo para quality, ayaw, bawal. If you want entertainment, dapat mag-e-enjoy ang nanoood.”

JAMES REID SOSY KAHIT SA LA

Sosy talaga ang James Reid kahit sa Los Angeles dahil kasama siya sa mga naimbitihan sa Oscars viewing party hosted by British singer Elton John.

Kasama ng actor-singer sa party si DJ Arthur Tan na lumakad sa red carpet, kasabayin sina Lady Gaga, Chris Pine, Demi Lovato, Heidi Klum, Liam Payne, Saweetie at Troye Sivan.

Ang nasabing Oscars viewing party ay bilang suporta sa Elton John AIDS Foundation upang iwaksi ang diskriminasyon, iwasan ang impeksyon at magbigay ng treatment sa mga nakasagap ng AIDS (acquired immunodeficiency syndrome).

 

 

GIRL BY THE BEACH, SI JANINE GUTIERREZ NGA BA?

Nagkagulo ang mga fans ni Paulo Avelino matapos siyang mag-post ng litrato ng isang misteryosang babae na kasama niyang namamasyal sa dagat, na hinihinala ng maraming si Janine Gutierrez.

Hindi kasi ipinakita ang mukha ng babaeng nakasoot ng coat, sunglasses at rubber shoes habang nakaharap sa dagat.

Maraming naghihinala matapos ibisto ni Ogie Alcasid ang ka-sweet-an umano nila sa US of A nang makasama niya sa “OA sa Love in the USA Tour.”

Nakatalikod man, halatang halata raw na tindig iyon ng panganay na anak nina Lotlot de Leon at Ramoncito Gutierrez. Pati nga buhok, Janine na Janine.

Hindi man inaamin nina Paulo at Janine kung ano ang real score sa kanilang dalawa, umaasa ang lahat na very soon ay aamin na rin sila. Hindi nga naman appropriate na kahihiwalay lang ni Janine kay Rayver Cruz, mayroon na agad kapalit.

BILANG HALIGI NG TAHANAN, DAGUL LALABAN LANG KAHIT NAGHIHIRAP

Hirap na hirap sa buhay at humihingi ng tulong ngayon sa kapwa artista ang comedian na si Dagul, a.k.a. Romeo “Romy” Pastrana.

Sumikat si Dagul sa sitcom mga sitcom mula 2001 hanggang 2019. Nawala siya sa limelight pero nagtrabaho naman siya sa barangay hall ng Montalban, Rizal bilang head ng command center ng mga kagawad. Kaya lang, sobrang maliit raw ang kita kaya kulang na kulang ito para sa kanyang pamilya.

May maliit naman silang sari-sari store, pero kulang pa rin umano ang family income kumpara sa kinikita niya noong artista pa siya.

Apat ang anak nni Dagul at dalawa naman ang kanyang apo. Sa apat na anak, dalawa pa ang nag-aaral at nanganganib na mapahinto dahil wala na raw siyang pambayad sa tuition fees. Bukod dito, may health problem daw ngayon si Dagul. Naka-wheelchair na siya kaya hatid-sundo siya ng kanyang isang anak sa barangay hall dahil kailangan siyang buhatin.

“Kasi mahina na talaga. Pag tumayo ako, parang nababali siya,” ani Dagul. “Siguro overweight o epekto na siguro medyo matanda ka na.”

May naipon man daw siya sa pagtatrabaho sa showbiz, naubos din umano sa loob ng tatlong taon. Mabuti na lamang at nakapagpatayo siya ng bahay kaya hindi sila umuupa.

Aminado naman siyang sinubukan niyang humingi ng tulong sa mga kasamahan sa trabaho, pero binababaan daw siya ng telepono o kaya naman ay hindi sinasagot ang tawag niya kaya hindi na niya inulit.

“Siguro, hindi nila sinasagot, busy sila, may mga problema rin kaya,” aniya.

Hangad lang daw sana niyang ma­ging maayos ang mga anak niya bago siya mamatay. Ang nakaka-depress daw sa kanya ay yung hindi niya mai-provide ang mga pa­ngangailangan ng kanyang pamilya. Pero desidido raw siyang lumaban.

“Okay lang, basta kumikilos ka lang. Wag ka lang tamad,” dagdag pa ni Dagul. “Bahala na kung anong mangyari. Basta huwag tamad-tamad kasi pag tamad ka, talagang walang mangyayari sa buhay mo. Ako ang haligi ng pamilya kaya kinakaya ko. Kahit hindi ko kaya, kinakaya ko. Nabuhay ako sa mundo. Kahit ganito ako, nakapag-asawa ako. May apat na anak. Saka kung naghirap man ako ngayon, hindi ko pinagsisihan iyan. Pasalamat pa rin ako dahil napalaki ko yung pamilya ko. Ang hindi mo kaya, kakayanin mo para sa pamilya. Laban lang.”