ANAK MASTERMIND SA TWIN SHOOTING SA LOOB NG BUS

NUEVA ECIJA- LUMITAW na ang anak ng babaeng biktima sa Victory Liner bus shooting incident ang sinasabing utak sa likod ng naganap na twin murder, ayon sa pulisya matapos magbigay ng extra judicial confession ang isa sa mga suspek.

Nabatid na pormal nang sinampahan ng kaso ng Philippine National Police ang apat na indibidwal na may kaugnayan sa malagim na pagpatay sa dalawang pasahero ng Victory Liner bus sa Nueva Ecija.

Ito ang iniulat ng Nueva Ecija Police Provincial Office hinggil sa mga bagong development sa nasabing krimen makalipas ang halos isang buwan matapos na madakip ang sinasabing gunman.

Sa panayam kay NEPPO Director Col. Richard Caballero, lumitaw sa kanilang pagsisiyasat na isang gun-for-hire na nag-ooperate sa Nueva Ecija at Isabela ang isa sa mga gunman sa nasabing twin slay case na kinilalang si Allan Delos Santos.

Si Delos Santos ay naaresto ng mga awtoridad sa Dilasag, Aurora noong Nobyembre 20, 2023 sa bisa ng warrant of arrest na may kaugnayan naman sa kasong statutory rape at sexual assault na kanyang kinasasangkutan.

Subalit matapos siyang isalang sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dito na ikinanta ni Delos Santos sa kanyang extra-judicial confession na ang utak pala sa likod ng nasabing krimen ay ang mismong anak na lalaki ng babaeng biktima.

Sa panayam nitong Miyerkoles, sinabi ni Capt. Franklin Sindac public information officer ng Nueva Ecija police na main suspek si alyas “Tisoy” sa pagpaslang sa kanyang ina at live-in partner nito.

Matatandaang malapitang binaril sa ulo ang mag-partner habang nakasakay sa bus noong Nobyembre 15 na nakuhanan ng dashcam video ang insidente at nag-viral sa social media.

Sinampahan na ng kasong murder si Tisoy, ka-live in nito, and 2 gunman, at isang John Doe na driver umano na naghatid sa mga biktima sa bus terminal. VERLIN RUIZ