SA kabila ng mga papuri sa kanilang pagganap sa iba’t ibang papel sa mundo ng teleserye at pelikula, handa raw sina Dimples Romana at Jodi Sta. Maria na iwan ang lahat kung maaapektuhan nito ang kanilang mga anak.
Parehong award-winning actresses sina Dimples at Jodi at pareho ring ina. Pareho ring in-demand dahil nagpakita nga ng husay.
Ang panganay pala ni Dimples na si Callie ay nasa Australia at nag-aaral ng Aviation. Matuk mo yon! May college girl na si Dimples at magpipiloto pa! Akala ko, early or mid-30s lang ang edad niya.
Kuwento ni Dimples na may bahid pagmamalaki: “Student pilot kasi siya. So, 18 siya umalis, 20 pa lang siya ngayon. She’s actually down to her last unit for university. Kasi po dito sa atin, you have to finish the college degree before you can take aviation. Doon po, naka-incorporate. Meaning, university, aviation school, and then university.
“She’s finishing very early. Patapos na siya, makakauwi siya for my birthday and then we’re going there for Christmas.”
Going 40 na pala si Dimples sa November 13 at proud siyang may napagtapos na siyang anak. Halos tatlong dekada na rin siyang artista at acting daw talaga ang kanyang bread and butter.
May negosyo raw naman silang mag-asawa pero acting pa rin ang main source ng kanilang finances. Kaya raw pinursigi talaga niyang mapag-aral ang kanyang mga anak.
“Nakita ko na ‘Ah, yun lang pala ang maiiwan ko sa anak ko, education.”
Magkakaiba raw ng henerasyon ang tatlong anak nila ni Boyet Ahmee.
Si Callie ay 20 years old; ang pangalawang si Alonzo ay nine years old; at ang bunsong si Elio ay magtu-two years old pa lang.
Mababait daw ang mga bata at hindi demanding kaya basta sila ang nangailangan, kahit nasa gitna siya ng shooting, iiwan niya talaga, kesehodang tawagin siyang pa-diva!
Hindi raw kasi humihingi ng labis ang mga bata, kaya kapag sinabi nilang ‘I need your time, Mama,’ punta siya agad.
“Sometimes, I even excuse myself on the set, and I say, ‘W ait lang po, makikipag-usap ako,’” lahad ni Dimples.
Ganoon din daw si Jodi Sta. Maria. Ginagawan niya ng paraang hindi sasabay ang mga proyekto niya sa schedule ng nag-iisa niyang anak na si Thirdy. Di nga ba there was a time na nag-lay low si Jodi sa acting para matutukan ang pag-aalaga kay Thirdy. Siya raw talaga ang priority ni Jodi. Kapag ito raw ang nangangailangan, kahit busy siya, iiwan niya agad.
Aniya, “Kahit gaano ako ka-busy basta si Thirdy ang tumawag, ang mommy laging nandiyan. Bago ako artista, nanay muna ako ni Thirdy.”
Busy rin daw ngayon ang kanyang anak sa pag-aaral kaya may oras siya sa TV at movies.
“Second year college na siya,” Ani Jodi. “Ang bilis ng panahon!”
Sina Dimples at Jodi, parehong ina, parehong magaling na artista — at proud na iiwan nila ang lahat para sa pamilya.
RLVN