NORTH COTABATO – DEAD on the spot ang lima katao kabilang ang umano’y anak ng dating gobernador ng Maguindanao matapos na makipagbarilan sa mga sundalo sa isang checkpoint sa Barangay Inug-ug sa bayan ng Pikit.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng isang sports utility vehicle (SUV) ang limang lalaki na galing Poblacion, Pikit at patungong direksiyon ng Pagalungan sa Maguindanao.
Paglapit sa checkpoint, bigla umanong humarurot ang sasakyan sa halip na huminto para mainspeksiyon.
Habang papalayo ay binakbakan umano ng mga lalaking sakay ng SUV ang mga sundalo na nagmamando ng checkpoint.
Agad namang gumanti ng putok ang mga sundalo at napatay ang limang suspek, isa sa kanila ay pugante umano ng provincial jail ng North Cotabato, ayon kay Western Mindanao Command chief LtGen Cirilito Sobejana.
Base sa ulat na nakalap ng militar at pulis, na anak ni dating Maguindanao Governor Norodin Matalam ang isa sa limang napaslang.
Kinumpirma umano ng mga kaanak na anak ni Matalam, na naging mayor din ng Pagalungan sa Maguindanao ang nasawi na si Datu Hashim Matalam.
Sinabi ni Brig. Gen. Alfredo Rosario na naghihigpit sa naturang lugar matapos ang sunod-sunod na engkuwentro sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kalapit na lugar dahil sa nagaganap na clan war o rido.
Narekober naman sa crime scene ang samu’t saring basyo ng bala, mga armas, hand grenade at rifle grenade.
Nakuha rin sa mga suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at iba pang kagamitang may kinalaman sa ilegal na droga. VERLIN RUIZ