ANAK NG MAG-ASAWANG SUICIDE BOMBER NASAGIP

BASILAN- ISANG Indonesian teenager na umano’y anak ng mag- asawang suicide bomber ang na rescue ng militar nang salakayin ang pinagkukutaan ng dalawang kilabot na terorista sa lalawigang ito.

Sa ulat na ipinarating sa punong himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nakubkob ng mga elemento ng Philippine Army 5th Scout Ranger Battalion ang pinagkukutaan ng Sulu-based Daulah Islamiyah-Abu Sayyaf Group (DI-ASG) subleader Mudzrimar Sawadjaan, a.k.a. Mundi, at ni Basilan-based ASG sub leader Pasil Bayali, a.k.a. Kera kasunod ng inilunsad na focus military operation sa Sitio Lobloban, Barangay Guiong, Sumisip, Basilan.

Dito nakita ng militar ang Indonesian National na base sa military report ay dinala ni alyas Mundi sa kanyang pagtakas mula Sulu para makaiwas sa mga tumutugis na tauhan ng Army 1103rd Infantry Brigade.

Subalit, napilitang iwan nang sumalakay naman ang mga tauhan ng Aemy Scout Ranger.

Kinilala ni Joint Task Force Basilan Acting Commander Col. Frederick Sales ang 15-anyos na si Ahmad Ibrahim Rullie, a.k.a. Addih, anak umano ng Jolo Cathedral suicide bomber na si Abbang Rullie.

Agad na nirescue ng mga sundalo ang batang Rullie at dinala sa pagamutan para sa kaukulang medical check-up.

Magugunitang si Rullie Rian Zeke, a.k.a. Abbang Rullie, 35-anyos, at asawa nitong si Ulfah Handayani Saleh, 32-anyos, ang tinuturong responsable sa suicide bombing sa Jolo Cathedral noong Enero 2019 na ikinamatay ng 23 katao at nasugatan pa ang mahigit 100 iba pa.

Pinapurihan naman ni Western Mindanao Command Chief, Lt. Gen. Roy Galido, ang mga tauhan ng Joint Task Force Basilan sap ag rescue sa teen aged Indonesian National.

“He is still young, and we are hopeful that with proper guidance and counseling, he will be able to walk back on the right path and build a better future,” ani Lt. Gen. Galido. VERLIN RUIZ