ANAK NG PI, PINAHINTO ANG PI!

Boom! Sa isang kisap mata, nahinto ang plano ng ilang mambabatas na amyendahan ang ating Saligang Batas!

Naging isang napakainit na isyu ang pagkalap ng tinatawag na signature drive sa buong bansa upang amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng people’s initiative o PI. Ang siste kasi ay dapat kinakailangan ang pagtanggap ng Comelec sa mga nasabing pirmadong dokumento na nangangalap sa pagbabago ng Konstitusyon.

Subalit nagmistulang parang tumama sa makapal na pader ang nasabing PI sa paglabas ng pahayag ang Comelec na ihinto ang lahat ng gawaing signature drive nito upang pag-aralan muna ng mabuti ito ng Comelec sa nilalaman ng pag-amyenda ng ating Konstitusyon.

“This is an act of due diligence on the part of Comelec en banc. Kapag pinayagan namin ang pagtanggap ng pirma tapos alam naming may problema…kami po ang masisisi,” ang paliwanag ng Comelec Chairman George Garcia.

Dagdag pa ni Garcia na napagtanto ng Comelec na ang pinagbabatayan ng PI sa ilalim ng Resolution No. 10650 ay dapat himayin at, kung kinakailangan, repasuhin upang malinaw kung hanggang saan ang kapangyarihan at awtoridad ng Comelec sa proseso ng pagtanggap ng petisyon sa pag -amyenda ng Konstitusyon sa pamamagitan ng PI.

“Hindi siya ordinary rules, siya ay rules para sa pagbabago ng ating Saligang Batas,” ang sabi ni Garcia.

Kung ang mga balita na kumakalat ay totoo, naglabas umano ng malaking halaga ng pera upang bayaran ang ilan sa ating mamamayan upang pumirma sa PI.

Ayon kay Albay 1st District Representative Edcel Lagman, may mga ilang mayor sa kanyang lalawigan na nakatanggap ng ‘mobilization fund’ para sa signature drive ng PI. Hmmmm…paano na kaya ang nasabing pondo para rito? Malamang ay nakalista na lang ito sa hangin ‘ika nga.

Kaya hindi ako magtataka sa mga namumuno ng PI, sa biglang pagpalit ng ihip ng hangin sa desisyon ng Comelec na ihinto ang nasabing proseso, ay mapapamura sila.