ALBAY – MULING pinatunayan na hindi hadlang ang kahirapan at ang pagsusumikap ay susi para sa tagumpay.
Matinding pagre-review ang ginawang pamamaraan ng isang anak ng tricycle driver upang makapasa at manguna 2019 Social Worker Lisensure Examination.
Sa pahayag ni Cristy Bombita hindi biro ang kaniyang pinagdaanan sa pagre-review bago ang pagsusulit kaya hindi niya inakala na mapapabilang siya sa top 10.
Siya ay graduate sa Bicol University Tabaco Campus at nakakuha ng rating na 81.20 percent.
Kuwento nito na nagtungo sa Maynila ang kanyang ina kaya siya ang tumayong ate at nanay sa kasagsagan ng kaniyang pagre-review at ginagawa pang araw ang gabi dahil sa rami ng gawaing bahay.
Aniya, time management ang naging susi upang mapagsabay ang pag-aaral at ang mga responsibilidad bilang isang anak.
Dagdag pa ni Bombita na inspirasyon niya ang mga magulang upang pagbutihin ang pagre-review lalo pa at madalas umano silang kinukulang sa pinansiyal.
Si Bombita ay pang-apat sa anim na magkakapatid at nag-iisang may bachelor degree. EUNICE C.