ANAK PATAY SA TAGA NG AMA

QUEZON- AGAD na binawian ng buhay ang isang 23-anyos na lalaki matapos na tagain ng sariling ama sanhi ng mainitang na pagtatalo sa Sitio Tala, Brgy. Latangan sa lalawigang ito.

Batay sa report ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si John Robert De Mayuga Abdula.

Habang ang suspek naman na agad na naaresto ay ang ama nitong si Carlito Arevalo Abdula, 54-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang naturang insidente ay nag-iinuman ang mag-ama nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo at dala ng sobrang kalasingan ay nauwi ito sa pananaga ng suspek sa biktima.

Nagtamo ng isang malubhang sugat ang biktima sa leeg na siyang naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Kasalukuya nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang ihinahanda pa ang mga kaukulang kasong isasampa laban dito.
EVELYN GARCIA