BULACAN- INARESTO ng mga tauhan ni San Jose Del Monte City Police chief Col Rannie Lumactod ang isang dating pulis makaraang barilin nito ng dalawang beses sa ulo ang kanyang anak sa loob ng kanilang bahay kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Lumactod, naganap ang pamamaril bandang alas-4 ng madaling araw sa bahay ng mag-ama sa B3 L5 Phase F1, Francisco Homes 1, Brgy. Narra, SJDM, Bulacan.
Dead on the spot ang biktimang si Erickson Contreras Galapate, 26-anyos, sanhi ng dalawang tama ng punglo mula sa caliber 9mm pistol.
Kasalukuyang nakakulong naman ang suspek na ama ng biktima na si Enrique Tutaan Galapte, 62-anyos at isang retiradong pulis.
Bago ang pamamaril, lumabas sa pagsisiyasat na magdamag na nag- iinuman ang mag-ama na natapos bandang alas-3:20 ng madaling araw.
Dahil sa sobrang kalasingan, sinita ng suspek ang biktima at pinaratangan na isang magnanakaw kaya nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Hindi umano nagustuhan ng suspek ang isinagot sa kanya ng anak kaya kinuha nito ang kanyang baril at pinaputukan ang biktima ng dalawang ulit sa ulo na naging sanhi ng daglian nitong kamatayan.
Agad naman tumawag ng pulis ang mga kamag-anak ng mag-ama sa tanggapan ni Lumactod kaya nirespondehan ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct 1 at SJDM PNP-SWAT at Rescue ambulance team na pinamumunuan ni Isagani Avilla na nagdeklarang dead on the spot ang biktima.
Nakuha sa crime scene ang isang Pietro Beretta 9mm with PNP engraved marking with defaced serial number.
Agad sinampahan ng mga awtoridad ng kasong parricide ang suspek sa Office of the Prosecutor. VERLIN RUIZ