ANAK TODAS SA PANANAGA NG AMA

CEBU – ARESTADO ang 45-anyos na ama makaraang mapatay ang anak sa pamamagitan ng pagtaga sa leeg gamit ang bolo sa  Purok Comon 2, Barangay Cogon, Naga City.

Kinilala ni Lt Col. Verniño Bustillo Noserale, Acting Chief of Police ng City of Naga Police Station, Cebu Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Reny na residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa ulat, bandang 5:30 ng hapon nang makatanggap ng sumbong ang mga pulisya kaugnay sa biktimang si alyas Kris na sugatan sa pananaga na kinalaunan ay idineklarang patay.

Agad rumesponde ang pulisya at nagsagawa ng hot pursuit operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Ayon sa imbestigas­yon, nagkaroon umano ng alitan ang mag-ama na nauwi  sa pananaga ng suspek sa sarili nitong anak.

Ang biktima ay nagtamo ng sugat sa leeg na naging sanhi sa agarang pagkamatay nito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng City of Naga PS ang suspek at mahaharap sa kasong parricide.

EUNICE CELARIO