ANCAJAS IBF CHAMP PA RIN

Jerwin Ancajas

NAPANATILI ni Jerwin Ancajas ang IBF junior bantamweight crown makaraang gapiin si Jonas Sultan sa makasaysayang all-Filipino world title fight sa Save Mart Arena sa Fresno, California, USA kahapon.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagharap ang dalawang Pinoy boxers para sa world championship sa loob ng 93 taon o magmula noong 1925.

Hindi pinaporma ni Ancajas si Sultan sa mga unang round matapos magpakawala ng malalakas na right hook upang matagumpay na madepensahan ang kanyang 115-pound division belt sa ika-5 sunod na pagkakataon.

Sa tagumpay ay umangat si Ancajas sa 30-1-1 record kung saan 20 rito ay sa pamamagitan ng knockouts, habang nalasap ni Sultan ang ika-4 na pagkatalo na pumutol sa kanyang five-fight win streak.

Isang judge ang nagbigay ng 117-111 score pabor kay Ancajas, habang ang dalawang iba pa ay may 119-109 verdicts para sa kampeon para sa unanimous decision win.

Maaaring susunod na makaharap ni Ancajas si undefeated British Khalid Yafai sa isang isang title unification fight.

Si Yafai (24-0, 15 KOs) ay namayani kay Mexican David Carmona sa co-featured bout para mapanatili ang WBA belt.

Comments are closed.