IBANG-iba na talaga ang dating ngayon ng dating sexy young actress na si Andi Eigenmann simula nang piliin niyang mamuhay nang malayo sa siyudad at sa showbiz world. Maging ang lahat ng kanyang karangyaan na naipon noong kainitan niya sa showbiz ay kanyang ibinenta at kasama ang anak ay namuhay sa malayong lugar na malapit sa dagat.
Simula kasi nang matutong mag-wave surfing si Andi ay tila dito na umikot ang kanyang mundo. Dito na rin niya nakilala ang karelasyon niya ngayon pagkatapos nang hiwalayan blues nila ng dati niyang karelasyon na isa ring surfer. Hindi naman nakalilimutan ni Andi na mag-post ng kanyang mga latest na larawan. Nitong huling mga larawan na pinost sa social media account ng sexy actress ay natsika pang nabugbog diumano siya dahilan na rin sa paglobo at pangingitim ng kanyang mata. Mabilis naman na pinasubalian ito ni Andi sa pagsasabing gawa ito ng isang alon kung saan ay hindi niya pinansin at sumalpok sa kanyang mukha. Pero sa latest pic naman na pinost ni Andi ay mas umani ito ng maraming bash kung saan ang isang basher ay nagsabing mukha at kutis na raw siya ng isang mangingisda o ‘yung maninisid ng tahong?
Hindi naman ito pinalagpas ni Andi sa pamamagitan ng pagsagot nang nalulungkot daw siya sa mga taong mas pinili pa ang itsura ng tao kaysa sa kaligayahang nararamdaman nito sa kanyang piniling buhay. Marami namang humanga sa naging tugon ni Andi na nagpapatunay lang na ang kaligayahan ng tao ay hindi nasusukat sa kagandahang taglay.
Sa takbo ng pangyayari ngayon sa buhay ni Andi, ano na kaya ang mangyayari sa kanyang showbiz career? O ‘di ba, lately lang ay nakipagmiting siya sa kanyang mother studio kasama pa ang anak?
KEN CHAN AT RITA DANIELA SA KANILANG FIRST BED SCENE
ISANG challenge na naman ang nalampasan nina Ken Chan at Rita Daniela sa GMA Afternoon Prime series na “My Special Tatay”. Parehong first time nina Rita at Ken na gumawa ng bed scene.
Pag-amin ng aktor, kinabahan siya nang kunan ang eksena ngunit kailangan pa rin niyang mag-focus at hindi mag-break ng karakter. Kahit sabihin na first time ng dalawa na gumawa ng maselang eksena at pangtelebisyon pa lalo pa nga’t maraming mga bata ang may chance na makapanood ng naturang eksena.
Magkagayunpaman ay marami naman ang humanga sa makatotohanang pagganap ng dalawa sa kanilang roles. Maging ang pagganap ni Ken bilang isang taong may kakulangan sa pag-iisip ay nabigyan ng hustiya ni Ken.
Para kasi sa actor lahat ng karakter na pinagkakatiwala sa kanya ng Kapuso Network simula sa pagiging isang transgender sa “Destiny Rose” at isang may kapansanan sa pag-iisip sa “My Special Tatay” ay inaaral na mabuti ni Ken. To the point pa nga na nakikipag-bonding siya sa mga taong may ganung kondisyon. As in, kinakarir talaga ni Ken kung anuman ang challenging role na ibibigay sa kanya. Kaya hindi na kataka-taka kung mapansin man ang acting ni Ken ngayon ng mga award-giving bodies.