ANDRE PARAS HANDA NA SA PBA

MARAMI ang nagduda sa desisyon ni Andre Paras na lumahok sa PBA Rookie Draft subalit kumpiyansa ang kanyang coach sa PBA D-League na tama ang desisyon ng player.

Kahit matagumpay ang acting career ng anak nina PBA legend Benjie Paras at actress Jackie Forster, si Paras ay nagpatuloy pa rin sa paglalaro para sa AMA Online Education sa D-League, sa ilalim ng gabay ni Mark Herrera.

Sa naturang liga ay nakilala si Paras bilang isang masipag na forward na regular na kumakamada ng double-doubles para saTitans.

“Napakasipag ni Andre sa AMA,” wika ni Herrera patungkol sa 6-foot-4 forward. “Almost all-around ang nilalaro niya para sa amin.”

Si Paras ay kabilang sa mga maagang nagpatala para sa PBA Rookie Draft sa susunod na taon, kasama sina Fil-Am standouts Jason Brickman, Jeremiah Gray, at Brandon Ganuelas-Rosser, na pawang naglaro para sa Alab Pilipinas sa ASEAN Basketball League.

Bagama’t marami ang nagtaas ng kilay sa kanyang desisyon, tiniyak ni Herrera na handang-handa na si Paras sa professional league.

Naniniwala si Herrera na gagawa ang batang player ng sarili niyang pangalan sa PBA.
“Solid na player si Andre, at masuwerte ang makakakuha sa kanya,” dagdag pa niya.
Bukod sa AMA, si Paras ay sandali ring naglaro para sa UP sa UAAP at para sa San Beda sa NCAA.

Comments are closed.