ANG AI AT MGA UNYONG MANGGAGAWA

DAHIL  sa bilis ng pagbabago at pagsulong ng mga AI language models gaya ng ChatGPT, kasabay ng automation at pagdami ng mga AI-powered applications at programs, nagbabanta ang malalaking pagbabago sa mga tradisyunal na industriya at mismong sa larangan ng paggawa. Nararamdaman na ito ngayon hindi lamang sa ibang bansa kundi maging dito sa atin.

Kaya naman bukod sa mga paghahanda na kailangang gawin ng mga manggagawa, gaya ng upskilling at reskilling, hindi dapat makaligtaan na mahalaga rin ang papel na gagampanan ng mga unyong manggagawa. Kailangan din nilang makasabay sa mga pagbabagong ito dahil napakahalaga ng gawain na pangangalaga ng interes ng mga manggagawa. Kailangang pag-aralang mabuti ng mga unyon ang mga bagong isyu sa kasalukuyang panahon, kabilang na ang mga isyung kaugnay ng Artificial Intelligence. Mahalaga ito upang maunawaan kung paano ito nakakaapekto sa mga manggagawa at kung paano kakatawanin ng mga organisasyong pang-manggagawa ang mga miyembro nila sa iba’t-ibang platapormang kaugnay ng paggawa.

Halimbawa, isa sa mahahalagang bagay na pinag-uusapan ng mga kasalukuyang naka-strike na manggagawa ng Writers Guild of America at ng malalaking kumpanyang kagaya ng Netflix at Disney ay ang papel ng AI sa trabaho at mga gawain ng mga manggagawa. Sa mundo ng AI, paano tutulungan ng mga unyon na maprotektahan ng mga manggagawa ang kanilang kabuhayan?

Sana naman ay napag-aralan na ito ng mga labor unions dito sa atin maging ang mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa paggawa. At bukod pa riyan, sana naman ay isinasaayos na nila ngayon ang isang sistemang magbibigay ng oportunidad sa bawat stakeholder na umunlad sa makabago at naiibang kapaligirang at sistemang ito.
(Itutuloy…)