MARAMING usap-usapan kung ano ang mangyayari sa unang araw ng pagpalit ng estado ng Metro Manila mula sa enhanced community quarantine (ECQ) patungong general community quarantine (GCQ). Hati ang damdamin ng ating mga mamamayan. Ang iba ay natutuwa dahil maaaring magbukas ulit ng kanilang negosyo. Kaakibat nito ay ang mga empleyado ay magkakaroon ng kasiguraduhan na patuloy ang hanapbuhay.
Sa kabilang dako naman, marami ang nangangamba dahil malinaw sa datos na patuloy pa rin ang pag-akyat ng bilang ng mga kaso ng COVID-19. Sa kasalukuyan, pumapalo na nga sa mahigit 18,000 ang tinamaan ng nasabing sakit at tila wala pa tayong nakikitang senyales na pababa ito.
Kaya naman ang iba ay nangangamba na kabaligtaran ang pag-anunsiyo ng ating pamahalaan ng GCQ dahil ang pinakadahilan ng implementasyon ng ECQ noong ika-15 ng Marso ay upang ma-control ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng pananatili sa ating mga tahanan.
Sa kabilang banda, tila napilitan ang ating pamahalaan na dahan-dahan na buksan muli ang negosyo dahil nagdurugo na ang ating ekonomiya. Kailangang maibalik natin sa normal ang pang-araw-araw na kalakaran bago bumagsak nang tuluyan ang ating ekonomiya at mahirapan tayong maka-ahon.
Kaya naman, lumabas ako kahapon upang obserbahan ang nangyayari sa labas sa unang araw ng GCQ. Ang unang kong napansin ay balik-trapik muli. Naglabasan na ang mga sasakyan sa ating lansangan. Partida pa dahil wala pang regular na pumapasadang mga bus at jeepney. Subalit inaayos na ito ng MMDA upang magkaroon ng mas mainam at mabuting sistema na magkakaroon ng obserbasyon ng social distancing.
Wala talaga akong plano na pumasok sa mga mall, subalit sinubukan kong pumasok upang makita lamang kung papaano ang kalakaran sa loob. Hindi ako nagtagal dahil ako ay hindi sang-ayon sa pagbubukas nito. Taliwas kasi ito sa pinagbabawal na mass gatherings. Maaari kasing makahawa ng COVID-19 sa malls.
Hindi gaanong marami ang mga tao sa malls. Ang halos na pinipilahan ay ang supermarket, drugstore, appliance at hardware stores. Ang mga non-essential na tindahan ay halos walang pumapasok na tao. Ang ibang mga kainan ay bukas ngunit takeout lahat. May mga bukas din na maliliit na foodstalls. Ngunit mahigpit na ipinagbabawal na kumain sa loob ng mall.
Ang mga guwardiya ay patuloy ang paglibot sa loob ng mall. May hawak silang megaphone upang paulit-ulit na ipaalala ang pag-obserba sa social distancing ng mga tao na nasa loob ng mall. Kasama na rito ang pagsita sa mga taong hindi isinusuot nang wasto ang kanilang mga face mask. Tila maayos naman. Subalit kung ako ang inyong tatanungin, mas mabuti na huwag na lang munang pumunta sa mga mall sa ngayon.
Sa paglabas ko naman, huminto ako sa palengke. Talaga namang dagsaan ang mga tao. Balik ang mga pasaway na tricycle na nakahambalang sa bangketa, kaliwa’t kanan. Hay! Marami ang nakasuot ng face mask ngunit tila ang kanilang mga baba ang tinatakpan imbes na ang kanilang ilong at bibig. Susmaryosep. Ang mga ibang naglalako ay naka- facemask subalit nakasukbit lamang sa isang tenga. Papaano na ito? Paano nga naman natin mapapababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 kapag ganito ang ugali ng karamihan sa ating mga mamamayan?
Mapagmasid tayo. Tandaan, hind dahil tayo ay nasa GCQ ay wala na si COVID-19. Kapag tayo ay naging pabaya sa ating kalusugan at malimit na makihalubilo sa mga lugar na matao, baka maisama tayo sa patuloy na tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19. Hindi pa tayo ligtas.
Comments are closed.