NOONG isang linggo ay naglabas ng isang joint statement ang ating mga economic manager tungkol sa sitwasyon ng ekonomiya ng bansa sa unang bahagi ng taong 2023 (anim na buwan mula Enero hanggang Hunyo).
Aminado ang mga ekonomista na marami pa rin tayong mga pagsubok na haharapin sa mga nalalabing buwan ng taon hanggang sa 2024.
Sa kabila nito ay positibo pa rin ang kanilang pagtingin sa pangkalahatan, kung ang ekonomiya ng bansa ang pag-uusapan. Nabanggit din nilang dahil nalagpasan natin ang matitinding pagsubok na dala ng pandemya ay may kakayahan na tayong harapin ang mga darating pang problema, sa loob man o sa labas ng bansa.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang GDP ng Pilipinas para sa Q2 2023 ay umabot na sa 4.3 percent, at ang paglago ng ekonomiya ay nasa 5.3 percent na para sa unang bahagi ng taong 2023. Tandaan natin na ang ating target ay nasa 6-7 percent, kaya kinakailangan pang tumaas ng ating GDP sa antas na 6.6 percent sa ikalawang bahagi ng taon.
Ang pag-unlad ng ekonomiya mula Enero hanggang Hunyo 2023 ay bunsod ng pagkakaroon ng hanapbuhay ng mas marami sa atin, pagbawi ng sektor ng turismo pagkatapos ng matagal na panahon ng pananamlay, pagbabalik ng mga bata sa paaralan, at ang pagtaas ng bilang ng mga bagong mga negosyo at pamumuhunan sa bansa.
Bumaba ang paggasta ng pamahalaan ng 7.1 percent sa unang bahagi ng taon, ngunit asahan na ang pagtaas nito sa mga susunod na buwan, ayon pa sa mga ekonomista.
Pabibilisin na kasi umano ang pagpapatupad ng mga programa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan dahil may utos na sa kanilang lumikha ng mga plano upang makahabol at unahing maisakatuparan ang mga programa at proyekto.
(Itutuloy)