BABAE … mahiwaga, makamandag. Sa manipis na katawan, malambot na balat, malakandilang hugis ng mga daliri, maniniwala ba kayong kaya niyang paikutin sa kanyang palad kahit pa ang pinakamakapangyarihang lalaki sa mundo? Sabi nga nila, in every man’s success and defeat, there comes a woman behind him. Babaing nagmamahal, nag-uutos, bumubulong, nagmamaniobra sa desisyon ng kanyang kabiyak in a subtle way.
Ang babae raw ay maihahalintulad sa buwan. Malamig na liwanag na nagbibigay-ilaw sa karimlan, hindi tulad ng araw na nakasasakit sa balat. Mukhang mahina ngunit kayang pagalawin ang malawag na dagat na hindi man lamang umaalis sa kanyang kinaroroonan. Nariyan lamang siya … nagmamasid. Naghihintay.
Ang babae ay buwan … may apat na mukha. Una’y sa pagsilang, ikalawa’y sa kabilugan, ikatlo’y sa paglalaho at ang huli ay sa paglisan. Sabi nila, kumakatawan ang buwan sa babae at ang araw naman ay sa lalaki. Kung ganoon, ang babae ay isang celestial body – na sa madaling sabi ay may lakas na hindi nakikita. Kayang gumawa ng buwan ng alon – alon sa buhay naman ang kaya ng babae, upang bigyan ng inspirasyon o leksyon ang sinuman, lalo na ang kalalakihang mapagsamantala. Kung iniisip nilang simple lamang mag-isip ang babae, oo naman. Bakit pahihirapin ang isang bagay na pwede namang simple lang?
Sa panahong wala pa si Cristo, inilarawan ng manunulang Griyega na si Sappho ang babae “When, round and full, her silver face, Swims into sight, and lights all space” na para bang buwan lamang. Ang mukha ng buwang nakatunghay sa daigdig, na minsan ay nagtatago sa ulap, ngunit nananatiling naroon at nagmamasid lamang – at sa tamang panahon ay gumagamit ng sapat na lakas upang gapihin ang kalaban.
Ano ang ginawa niya? Wala lang. Magbigay lang ng liwanag sa pusikit na karimlan. Malaking bagay ba ‘yon, lalo na sa mga anak na naliligaw ng landas?
Wala lang. Kadalasan kasi, hindi nabibigyan ng halaga ang babae. Ina lang siya, asawa, kapatid, anak – mahina at walang kakayahang bumuhat ng 50 kilong bigas. Walang muscles (of course, with the exemption of Hidelyn Diaz), minsan, mahiyain at insecure pa. Pero sa likod ng mahinang panlabas na anyo, natatago ang lakas na kayang magpalubog ng libo-libong barko at gumiba ng isang napakalaking bundok. KAYE NEBRE MARTIN