DUE to insistent public demand, muling ipalalabas sa mga piling sinehan ang pelikulang: Ang Babaeng Allergic sa Wifi” na prodyus ng The Ideafirst Company ng mag-asawang Perci Intalan at Jun Lana at Cignal Entertainment.
Ang naturang pelikula na muling ipalalabas simula sa Setyembre 19 sa mga piling SM cinemas tulad SM Megamall, SM North Edsa, SM Fairview, SM Manila, SM Sta. Mesa, SM Southmall, SM Marikina, SM Bacoor, SM Cebu at SM Iloilo.
Ang “Ang Babaeng Allergic sa Wifi” ay naging opisyal na kalahok sa ikalawang edisyon ng Pista ng Pelikulang Pilipino noong Agosto.
Tungkol ito sa kuwento ng isang babaeng may pambihirang sakit o electromagnetic hypersensitivity na kailangang magbakasyon sa probinsya para makaiwas sa tensyon ng lungsod na nagpapalala sa kanyang karamdaman.
Bida rito si Sue Ramirez at leading men niya sina Markus Paterson at Jameson Blake.
Ito ay mula sa direksiyon ni Jun Lana.
RICHARD QUAN NA-MISS ANG AWARDS
UNANG nanalo ng acting award si Richard Quan para sa pelikulang “Saan Ka Man Naroroon” ng Reyna Films na nagtampok sa tambalang Richard Gomez at Dawn Zulueta noong 1993.
Pagkatapos ng ilang dekada, ngayon lang ulit siya nakasungkit ng award bilang best supporting actor para sa period movie na “1957” ni Hubert Tibi.
Sa naturang pelikula, ginagampanan niya ang papel ng isang magsasaka na umaasang mabibigyan ng lupa sa ilalim ng Agrarian Reform act ng Pangulong Magsaysay.
Bagamat hindi pa niya inabot si Magsaysay bilang presidente ng Filipinas, nagsaliksik daw siya rito at marami siyang natuklasan sa pamumuno nito.
Katunayan, sa research na ginawa, pulos paborable ang komento ng mga nakapanayam niya tungkol sa ill-fated president.
“Nagtanong-tanong ako, ano ba ang situwasyon noong 1957? Nagulat ako sa research na ginawa ko. Wala pa raw president na minahal ang mga Pinoy except kay Magsaysay. So ako, as Hukbalahap, nagbago ako because of Magsaysay, so ganoon. Ganoon pala ang attachment ng mga tao noon kay Ramon Magsaysay. Nadiskubre ko na sobrang iniidolo siya ng mga tao. Parang tatay na nila si Magsaysay. Great hope nila, wika nga,” aniya.
Comments are closed.