ANG BANSA AT LAKAS NG KABABAIHAN

HINDI pa ganap na nakakamit ang pagkakapantay-pantay ng mga kasarian o gender equality kahit sa first-world countries.

Totoong marami nang mga pagbabago ang nangyari sa larangang ito, ngunit marami pa ring kailangang gawin. Ang economic equality o pagkakapantay-pantay ng mga tao sa larangan ng ekonomiya ay isa sa mga bagay na kailangang pagtuunan pa ng pansin.

Ayon sa mga pag-aaral, kung sapat ang kita ng isang babae, mas maayos ang kalagayan ng kalusugan at edukasyon ng kanyang pamilya. Siyempre, apektado nito ang ekonomiya ng bansa. Sa madaling salita, mahalaga ang gender equality kung nais makamit o marating ang tinatawag na economic sustainability.

Mas nagiging progresibo ang isang bansa kung natutugunan ang mga isyu at problemang may kinalaman sa women empowerment. Kailangan din itong bigyang-pansin upang magkaroon ng mas magandang bukas ang ating mga anak na babae.

May ginagawang mga hakbang ang mga pamahalaan, industriya, at mga organisasyon upang maalis o mapaliit ang tinatawag na gender gap at upang mabigyan ng lakas o kapangyarihan ang mga kababaihan.

Sila mismo, ang mga babae, ay nagtutulungan upang makamit ang pantay na karapatan. May magagawa tayo upang makiisa sa mga hakbang o aksiyon na ito.

Halimbawa, maaari nating hikayatin ang mga kababaihan upang magsalita, gamitin ang kanilang boses, at ilabas ang kanilang opinyon. Malaking bahagi ng mga nakamit sa laban tungo sa pantay na karapatan ay bunsod ng mga aksyon ng mga babaeng nagsalita at nagbahagi ng kanilang mga karanasan. Bilib tayo sa kanila, at nagpapasalamat tayo sa matatapang na babaeng ito na lumaban sa misoginia.
(Itutuloy)