ANG BANSA AT LAKAS NG KABABAIHAN

(Pagpapatuloy)
PUWEDE rin nating suportahan ang mga kasamahan natin at mga lider na kababaihan.

Mas mainam kung magkakaroon ng pagkakataong mailagay sila sa mga katungkulan kung saan sila ang taga-desisyon. Mahalaga ang mga kontribusyon ng babae sa larangan ng edukasyon, kalusugan, negosyo, politika, at iba pa.

Ngunit may mga babae, lalo na sa mga bansang third-world, na walang pantay na oportunidad sa trabaho at iba pang larangan. Karapat-dapat ang mga kababaihan na magkaroon ng disenteng hanapbuhay at tama lamang na may mga polisiyang susuporta sa kanilang kaunlaran.

Maaari nating bigyan ng oportunidad sa edukasyon ang mga kababaihan upang matapos nila ang kanilang pag-aaral, o ‘di kaya naman ay magbigay ng donasyon sa mga organisasyong nagtatrabaho upang mapanatili ang mga kababaihan sa paaralan hanggang makatapos.

Kung tayo ay mamumuhunan sa edukasyon ng kababaihan sa pamamagitan halimbawa ng pagbibigay sa kanila ng mga oportunidad sa negosyo, puwedeng maalis o mapaliit ang tinatawag na pay gap, o pagitan ng kita ng babae sa ibang miyembro ng lipunan.

Bukod pa sa mga nabanggit na sa itaas at sa aking kolum nitong Lunes, narito pa ang ilang mga ideya upang mapalakas o mabigyan natin ng kapangyarihan at oportunidad ang mga kababaihan sa ating lipunan:

1. Irespeto natin sila kung kanilang ipinapahayag ang kanilang saloobin.

2. Suportahan natin ang kanilang interes at gawain. Suportahan din natin ang kanilang mga negosyo at organisasyon.

3. Manindigan tayo laban sa diskriminasyon at iba pang uri ng pananamantala sa kababaihan, online man o offline.

4. Pakinggan natin ang mga kababaihang nagbabahagi ng kanilang karanasan, tinig, at pagsisikap upang masumpungan natin ang inspirasyon mula sa kanilang pagbabahagi.

5. Suportahan natin ang mga organisasyong pangkababaihan sa pamamagitan ng pagbo-volunteer, pagbibigay ng donasyon, o pagpapalaganap ng kanilang mensahe.