ANG BANSANG PALABASA AY BANSANG MATAGUMPAY

NANG magluwag ang sitwasyon kaugnay ng mga restriksiyon sa pandemya, napansin nating dumami rin ang mga aktibidad at kaganapang may kinalaman sa kultura, sining, publikasyon.

Nais kong isipin na nangangahulugan ito na mas maraming Pinoy ang mas interesado na ngayon sa sining at kultura, partikular sa pagbabasa at publikasyon. Totoo rin kasing kailangan nating mas galingan pa ang ating kakayahan sa larangan ng edukasyon at kakayahan sa pagbasa at pagsulat. Ang pagpapayabong ng ating industriya ng aklat ay isa sa mga daan patungo rito.

Nitong Setyembre lamang ay natunghayan nating lahat ang matagumpay na paglulunsad ng Manila International Book Fair (MIBF). Base sa dami ng mga taong nagpunta at kita ng mga nagtinda rito, masasabing matagumpay nga ang naganap na aktibidad. Siguro ay nasabik nga talaga ang mga mambabasa sa pagpunta sa malalaking book fair na gaya ng MIBF matapos ang dalawang magkasunod na taon na walang MIBF na naganap dahil sa pandemya.

Noong unang linggo ng Oktubre ay nagtapos naman ang bilangan sa Filipino Readers Choice Awards kung saan libong mga aklat Pinoy ang nominado at nasa 104,000 na boto ang binilang upang makuha ang mga titulo o aklat na may pinakamaraming boto sa ilalim ng iba’t-ibang kategorya.

Malaking partisipasyon mula sa publikong mambabasa ang naganap dito, at marahil nga ay nangangahulugan ito na mas maraming Pinoy ang bumibili ng libro ngayon at mas marami rin ang nakakahiligang magbasa.

Bukod pa rito, sasali ulit tayo ngayong taon sa pinakamalaki, pinaka-prominente at pinakamatandang “content trade fair” sa mundo, ang Frankfurter Burchmesse.

Kagaya ng ating ginawa noong isang taon, mga orihinal na aklat mula sa Pilipinas ang ipakikita natin sa Germany at sa buong mundo mula ika-18 hanggang ika-23 ng Oktubre ngayong 2022. Dito ay magkakaroon din ng mga talk ang mga publisher at content creator na kumakatawan sa Pilipinas.
(Itutuloy)