ANG BANSANG PALABASA AY BANSANG MATAGUMPAY

(Pagpapatuloy…)
Ang mga ahensiya ng pamahalaan kagaya ng National Book Development Board (NBDB); Cultural Center of the Philippines (CCP) sa pamamagitan ng Intertextual Division; ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL); ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA); at pati na rin ang mga organisasyong kagaya ng Book Development Association of the Philippines (BDAP), Filipinas Copyright and Licensing Society (FILCOLS), at iba pang pribadong organisasyon at publisher ay naglulunsad at nagsisimula ng iba’t-ibang programa at kampanya upang linangin at palakasin ang industriya ng publikasyon sa bansa—kasama na siyempre ang mga produkto nito at mga manlilikha rito.

Sunod-sunod din ang paglilimbag at paglulunsad ng mga aklat mula sa mga malalaking publisher, independent publisher, mga independent na awtor, international press, university press, at iba pa. Ang mga kumperensiya, talk, at workshop ay nagsusulputan na rin upang sumuporta sa mga manlilikha.

Masaya tayong makitang masiglang muli ang industriyang ito, at nakatutuwang matunghayan kung paano nagtutulong-tulong ang lahat upang makabangon tayo mula sa mga kasalukuyang pagsubok sa larangan ng ekonomiya.

Siyempre, nais nating makita ang mas marami pang mga grant at oportunidad para sa mga Pinoy creators. Masaya rin tayo kung maglalaan ang pamahalaan ng mas malaking badyet para sa mga programang nakatutulong sa mga creator at publisher. Nais din nating makitang maisabatas ang mga panukalang nagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga creator at publisher—sapagkat alam nating ang suporta para sa mga programang ito ay makatutulong upang maging mas matalino at mas matagumpay ang sambayanang Pilipino.