MAHALIN nang totoo ang tumatangkilik sa iyo. Ang bawat customer ng ating negosyo ay gaya ng gansang nangingitlog ng ginto para sa atin. Kapag mamahalin, aalagaan at paglilingkuran natin siya nang lubusan, matutuwa siya sa atin.
Magiging permanenteng suki natin siya. Kaya, isa sa mga sikreto ng matagumpay na negosyo ay ang magkaroon ng isang malaking hukbo ng mga kontentong suking customer na pabalik-balik sa ating negosyo at nagdadala sila ng marami pang iba. Inirerekomenda nila tayo sa kanilang mga kakilala. Sabi nga ng isang salawikaing Ingles, “With public patronage, no business can fail. Without it, no business can succeed.” (Kung may pagtangkilik ng publiko, walang negosyo ang mabibigo. Kung wala nito, walang negosyo ang magtatagumpay). Kaya pagsumikapan natin laging pasayahin ang ating mga customer. “Kustomer ang bukal ng yaman. Ang kompanya ay daluyan lamang.” Saan ba nanggagaling ang pinasusuweldo sa mga empleyado? Hindi ba galing iyon sa perang ibinabayad ng mga customer bilang kapalit ng serbisyo? Ang perang iyon ay dumadaan lamang sa kamay ng ating amo; pagkatanggap niya nito, ibinibigay niya ang katampatang suweldo natin.
Ang negosyo ay ang pagpapaligaya sa customer. Paano paliligayahin ang mga customer? Ang wastong paraan ay alamin natin kung ano ang inaasahan nilang serbisyo mula sa atin, at pagkatapos ay lampasan natin ang kanilang inaasahan. Kung ang inaasahan niyang oras ng delivery ng iyong ipinangakong produkto ay alas-10 ng umaga, i-deliver mo ng alas-9 ng umaga. Kung ang inaasahan niyang araw ng iyong delivery ay Biyernes, i-deliver mo ng Huwebes. Kung ang inaasahan niyang timbang ng pru-tas na binibili mula sa iyo ay isang kilo, huwag na huwag na mas mababa sa isang kilo ang ibibigay mo sa kanya. Kung maaari nga sana ay may dagdag ka pa. Kung ang inaasahan niyang produkto ay matamis, dapat ay talagang matamis. Huwag kang magbebenta ng maasim o mapait. Common sense lang ang pagseserbisyo sa kapwa. Sundin lang natin ang gintong aral ng Panginoong Jesus, “Kung ano ang gusto mong gawin ng kapwa mo sa iyo, iyon ang gawin mo sa kanya.”
Ang pagiging mabuting negosyante ay pagiging mabuting Kristiyano. Dapat ay practice-in natin ang mga katuruan ng Panginoong Jesus sa Bibliya.Mahalin mo ang Panginoong Diyos nang buong puso, isip at kaluluwa. At mahalin mo ang iyong kapwa nang gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Dapat ay magkaroon ka ng pagmamahal at takot sa Diyos. Alamin mong laging nagmamanman ang Diyos sa lahat ng iyong kapasyahan at kilos. Kung may takot tayo sa Diyos, hindi tayo gagawa ng anumang bagay na hindi ayon sa kalooban Niya. Dahil gusto ng Diyos na mahalin natin ang ating kapwa, kung gayon, kung may takot tayo sa Diyos, hindi natin dadayain ang ating kapwa. Magiging tapat tayo sa pakikitungo sa lahat ng mga customer ng ating negosyo.
Naranasan mo na bang pumasok sa isang restaurant o tindahan, at hindi ka pinaglingkuran nang mabuti, bagkus ay binalewala, pinaghintay nang matagal, at pagkatapos ay binastos ka pa? Ano ang nagingkapasyahan mo pagkatapos ng mapait na karanasang iyon? Kung hindi ka nagalit at nagreklamo sa may-ari o manager, marahil ay nagpasya kang hinding-hindi kana babalik sa walang-hiyang restaurant o tindahang iyon. At pagkatapos, dahil sa galit mo, ay siniraan mo pa sila sa iyong mga kakilala. Tama ba?
Naranasan mo na bang pumasok sa isang restaurant o tindahan, at pinaglingkuran ka nang buong husay, pinansin ka, hindi ka pinaghintay, trinato kang isang mahalagang tao, at naglingkod sila sa iyo nang higit pa kaysa sa inaasahan mo, at ang presyo nila ay mas mababa kaysa sa dakilang serbisyong ibinigay sa iyo? Ano ang naging kapasyahan mo pagkatapos ng napakainam na serbisyo nila? Hindi ba sinabi mo sa sarili, “Babalik ako riyan. Irerekomenda ko sila sa lahat ng kakilala ko.” Ganyan ang wastong pagnenegosyo: kung ano ang gusto mong gawin sa iyo, iyon ang gagawin mo sa iba. Kaya, kung may customer ka, mahalin mo siya, paglingkuran mo siya. Tratuhin mo siyang importante. Bigyan mo siya ng serbisyong higit sa kanyang inaasahan. Kapag ginawa mo iyan, aasenso ka.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.