KATATAPOS lamang manalanta ng isa na namang malakas na bagyo na pinangalanang bagyong Ulysses, patuloy ang pagkakaisa ng sektor ng koryente sa pagbabalik ng supply ng koryente sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly noong nakaraang linggo. Tuwing panahon ng kalamidad, lalong naipakikita ng gobyerno, lokal na pamahalaan, pribadong mga utility, at mga electric cooperative, ang kultura ng Bayanihan.
Walang patid ang pagtatrabaho ng mga ito upang agad maibalik ang supply ng koryente sa rehiyon ng Bicol at sa CALABARZON, kung saan matindi ang pananalasa ng bagyong Rolly.
Ang bagyong Rolly, na itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong taon ng 2020, ay tumama at nanalasa sa Albay at Catanduanes. Tumumba ang mga poste at napatid ang maraming kable ng koryente na ayon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay maaaring abutin ng apat na buwan bago tuluyang maayos. Ito ay maituturing na mabigat at delikadong trabaho ngunit desidido ang sektor ng koryente na maibalik ang supply nito sa mga lugar na nasalanta ng bagyo bago sumapit ang Kapaskuhan.
Nakatataba ng pusong malaman na iba’t ibang pangkat mula sa 11 na electric cooperative mula sa Leyte at Samar ang nagpadala ng 97 na bilang ng linemen upang matulungan ang Philippine Rural Electrification Association, Inc. (Philreca) na maibalik ang supply ng koryente sa Albay.
Si Philreca Partylist Representative Presley de Jesus ay tumulong sa pag-organisa sa mga pangkat na nagboluntaryong tumulong sa Albay Power Electric Corporation. Ang mga linemen ay mula sa mga sumusunod na kooperatiba ng koryente: DORELCO, LEYECO II, III, IV, at V, BILECO, at SOLECO na mula sa Leyte; at ESAMELCO, SAMELCO I, SAMELCO II, at NORSA-MELCO n amula naman sa Samar.
Ang mga magigiting na lineman na ito ay nararapat bigyan ng papuri at pagkilala dahil sa kanilang malugod na pagboboluntaryo na tumulong sa pag-aayos ng mga nasirang pasilidad sa mga lugar na nasalanta ng bagyo kahit ito ay labas na sa kanilang responsibilidad.
Ang kabutihang loob na ipinamalas ng mga magigiting na linemen ay hindi naman ipinagsawalang-bahala ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda, na nagpahayag ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga linemen sa kanilang dedikasyon sa kanilang trabaho.
Batid ni Salceda na ang matinding dedikasyon ng mga ito ang dahilan kung bakit bukal sa loob ang pagtulong ng mga linemen sa pagbabalik ng supply ng koryente sa Albay.
Gayundin, ang Meralco ay nanatiling tapat sa sinumpaang tungkulin nito sa publiko, na siguraduhin ang maaasahang supply ng koryente sa mga lugar na nasasakupan nito. Ang mga linemen ng Meralco at iba pang empleyado ng nasabing kompanya ay nagtrabaho 24/7 upang maibalik ang supply ng koryente sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.
Sa pakikipagtulungan ng One Meralco Foundation (OMF), ang Meralco ay lumahok sa Power Restoration Rapid Deployment (PRRD) Task Force Kapatid 2020 noong nakaraang linggo upang mas mapabilis ang pagbabalik ng supply ng koryente sa mga lugar na lubos na nasalanta ng bagyong Rolly.
Upang mas maging madali ang nasabing misyon, nakipag-ugnayan ang Meralco sa Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA), Philreca, at iba pang mga electric cooperative sa Bicol.
Kaugnay nito, ang Meralco ay nagpadala ng 206 na kinatawan na binubuo ng mga engineer at mga lineman upang tumulong sa pag-aayos ng mga pasilidad sa Albay, Catanduanes, at ilang bahagi ng Camarines Sur. 65 sa mga ito ay nakahandang tulungan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagbabalik ng supply ng koryente sa nasabing lugar.
Bukod sa pagtulong sa pag-aayos ng mga nasirang pasilidad sa mga probinsyang nasalanta ng bagyo, ang MVP Group of Companies ay nagpadala rin ng iba pang tulong. Ang Alagang Kapatid Foundation, Inc. (AFKI) ay naghatid ng serbisyo ng libreng charging para sa mga residenteng walang supply ng koryente gamit ang mga generator set mula sa Meralco.
Ipinadala rin ng OMF ang kanilang mga solar-powered na mobile charging station sa mga lugar na nakararanas ng pagkaantala ng serbisyo ng koryente upang mapanatiling bukas ang linya ng komunikasyon sa pagitan ng mga nasalanta ng bagyo at sa mga mahal sa buhay ng mga ito.
Nagpamigay rin ang Meralco ng 1,000 sako ng bigas para sa 10,000 pamilya sa Marinduque. Ang OMF ay nagpamigay rin ng mga care package sa 200 na pamilya sa Camalig, Albay at Guinayangan, Quezon, na nagtamo ng matinding pinsala mula sa bagyong Rolly.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si DOE Secretary Alfonso Cusi sa buong sektor ng koryente, lalo na sa mga lineman na walang pagod na nagtatrabaho upang maibalik ang supply ng koryente sa mga lugar na nasalanta ng mga dumaang bagyo.
Ang taong 2020 ay puno ng pagsubok ngunit ako ay nananatiling puno ng pag-asa na pasasaan pa’t lilipas din ito at mapagtatagumpayan nating lahat ang krisis na pinagdadaanan ng bansa. Patuloy tayong manalig at huwag mawawalan ng pag-asa dahil tayo ay may mapagpalang Panginoon. Hindi Niya tayo pababayaan. Kung tayong lahat ay magkakaisa, wala tayong hindi kakayanin bilang isang bansa.
Comments are closed.