NAGING isang malaking isyu na naman ang usapin ng update sa bill deposit. Bagama’t nag-anunsiyo ng bawas singil ang Meralco ngayong buwan ng Mayo na nagkakahalaga ng Php0.54 kada kilowatt hour, hindi naman naging maganda ang pagtanggap ng ilang mga consumer group, partikular na ang Bayan at Bayan Muna, sa usapin ng Annual Update of Bill Deposit o AUBD na ipinatutupad ng Meralco.
Para lamang sa kaalaman ng lahat, taong 2013 nang sinimulang ipatupad ng Meralco ang pag-update ng deposito ng mga konsyumer. Sa paliwanag ng Meralco, ang paniningil at pag-update ng bill deposit ay alinsunod lamang sa Magna Carta for Residential Electricity Consumers. Sa madaling salita, sumusunod lang sila sa batas. Para ulit sa hindi nakakaalam, nakasaad sa nasabing polisiya ang lahat ng karapatan at obligasyon ng mga konsyumer, hindi lamang mga customer ng Meralco kundi pati ang mga konsyumer sa ibang parte ng bansa. Kasama nga sa mga nakasaad na obligasyon ang tungkol sa pagbabayad at pag-update ng deposito kung kinakailangan. Ibig sabihin, hindi lamang mga customer ng Meralco ang sakop nito. Kasama rito ang lahat ng iba pang Distribution Utility (DU) at electric cooperatives sa buong bansa na namamahala ng pagbibigay ng kuryente sa kanilang lugar. Upang masigurong tama ang impormasyong ito, ang magna carta ay maaaaring mabisita online. Ito ay nasa website ng ERC.
Umalma ukol sa dagdag na depositong kinokolekta ng Meralco ang mga consumer group dahil sabay raw ito sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo gaya ng mga produktong petrolyo. Sa katunayan, dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hinatak nito pataas ang inflation rate sa bansa. Sa huling datos ay nasa 4.5% ang kasalukuyang antas nito. Base pa nga sa ilang eksperto, sa kanilang tantiya, hindi malayong aabot pa ito sa 6%. Ito na ata ang pinakamataas na antas ng inflation na nangyari sa bansa sa loob ng nakaraang limang taon. Iniisip ko pa lamang ay naninikip na ang dibdib ko sa laki ng gastos.
Marami man ang nagpahayag ng pagtutol sa nasabing pagdadagdag ng deposito, mayroon din namang mga tahimik na natutuwa sa update konsumo sa kuryente. Ito ay dahil, nakakuha sila ng refund. May ilan pa nga, wala talagang binayaran dahil lubhang mas malaki ang halaga ng kanilang nai-refund kaysa sa aktuwal na naging bill. Akala kasi ng karamihan ay puro pagdadagdag lang ang nangyayari sa kanilang electric bill. Sabagay, bakit nga naman magrereklamo ang mga makakakuha ng refund. Natural, ang mag-iingay at aaray ukol sa isyu na ito ay ‘yung mga maoobligang magdagdag ng deposito.
Sa paliwanag ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga, ang nagiging basehan ng update ay ang average bill sa loob ng isang taon at ang ak-tuwal na halaga ng deposito na mayroon sa account ng isang konsyumer. Kung ang pagkakaiba sa halaga ng average na bill at sa halaga ng kabuuang deposito kasama ang interes nito ay umabot ng 10% o higit pa, tiyak na kakailanganing i-update ang deposito ng konsyumer upang pumantay ito sa average na bill nito sa loob ng isang taon.
Kung sa kuwentada ay lalabas na mas malaki ang deposito kaysa sa aktuwal na average ng bill, makakakuha ng refund ang rehistradong customer ng DU. Ang refund na ito ay awtomatikong ibabawas sa bill hanggang sa ito ay mai-apply nang buo. Halimbawa, ang halaga ng refund ay Php1,000 at ang bill ng customer ay nasa Php450 lamang, ibig sabihin ay makatatanggap ang customer ng zero bill at ang sobra pang deposito ay patuloy na papasok sa mga susunod na bill hanggang sa ito ay maisauli na nang buo.
Kung lumabas naman na mas mababa ang pinagsamang deposito at interes nito kumpara sa average na bill ng isang customer sa loob ng isang taon, ibig sabihin ay kakailanganing dagdagan ang deposito. Halimbawa, nasa Php550 ang kailangang idagdag na deposito, ito raw ay awtomatikong hahatiin at babayaran sa loob ng labing-dalawang buwan. Sa madaling salita, awtomatiko na itong naka-installment sa halagang Php45.83 kada buwan.
Kung ang isang customer naman ay maagang nagbabayad sa loob ng tatlong sunod-sunod na taon at hindi nahuhuli sa due-date, maaari raw nitong makuha ang bill deposit nang buo kasama ang interes na kinita nito. Makatatanggap daw ng notice ang mga customer na magkakwalipika rito.
Ipinaliwanag din ng Meralco na ang bill deposit ng customer ay isinasauli nila nang buo kasama ang interes kapag hiniling ng customer na tapusin na ang kontrata nito sa kanila. Kung mayroong hindi bayad na bill na maiiwan sa account, ibabawas na lamang ito sa makukuhang refund ng rehistradong customer.
Dagdag man sa bill o refund ang maging update sa ating account, ang importante rito ay nilinaw ng Meralco na ito ay pera pa rin nating mga customer. Sabi nga ni Ginoong Zaldarriaga, ang halaga ng bill natin kada buwan ang magdidikta kung sapat pa ba ang halaga ng deposito natin sa Meralco.
Sa ngayon, manalig na lamang tayo na sa kabila ng katahimikan ng ERC sa usaping ito, sana ay umaabot sa kanila ang sentimiyento ng taumbayan tungkol sa AUBD. Kung hindi kayo pamilyar sa power industry, ako na mismo ang magsasabi sa inyo, wala namang sapat na kapangyarihan ang Meralco upang magdesisyon tungkol dito. Ang Meralco, sampu ng iba pang distribution utilities at electric cooperatives sa bansa, ay sumusunod lamang sa batas na ipinatutupad ng ERC.
Comments are closed.