BUKAS na ang pinaka-aabangan na kaganapan ng buong sambayanan. Ang laban ni 8-division world champion Sen. Manny Pacquiao kontra kay 4-division world champion na si Adrien Broner. Llamado si Pacquiao laban kay Broner. Kahit saan pa natin hanapin sa social media, YouTube, Google at ano pang website na ang paksa ay boksing, halos la-hat ay nakataya na mananalo si Pacquiao kontra Broner.
Marahil nagtataka kayo kung bakit ito ang isyu na tinatalakay ko ngayon sa aking kolum. Sa totoo lang ang sports ay napaka-malapit sa aking puso. Nagsimula ako sa media bilang isang sports writer ng Channel 4 noong panahon ng kalakasan ng Gintong Alay na pinamumunuan ni Michael Keon. Noong mga panahon na iyon ay namamayagpag ang ating bansa sa larangan ng palakasan sa Asya.
Ito ‘yung panahon ni Lydia de Vega na tinuring ‘Asia’s fastest woman’ noong 1980s. Nandyan din sina Isidro del Prado, Elma Muros sa Track and Field. Christine Jacobs, Billy Wilson at Akiko Thompson sa Swimming. Dyan Castillejo sa Tennis. Ramon Brobio sa Golf. Sina Leopoldo Cantancio at Leopoldo Serantes sa boxing. Paeng Nepomuceno at Bong Coo sa Bowling. Sino ang hindi makakalimot sa ating koponan sa basketball na Northern Cement na sinuportahan ni Ambassador Danding Cojuanco? Mga manlalaro na sina Hector Calma, Samboy Lim, Yves Dignadice, Franz Pumaren, Alan Caidic, Pido Jarencio. Sila ngayon ay kasama sa PBA legends.
‘Yan ang panahon na ako ay nag-cover ng sports sa ating bansa. Sinusundan ko ang mga laban ni Sen. Pacquiao. Ang mga kasalukuyang balita tungkol sa nalalapit na laban niya kay Broner ay binabasa ko sa mga website tulad ng Philboxing.com at Fight-news. Sinusubaybayan ko rin sa YouTube ang mga interbyu ng mga kilalang boksingero kung ano ang kanilang prediksiyon sa laban nina Pacquiao at Broner.
Nais ko lamang ibigay ang aking saloobin sa laban na ito. Tulad ng nakararami, parehas ang aking pananaw na mananalo si Pacquiao laban kay Broner. Bagama’t sinasabi nila na may edad na si Pacquiao dahil 40 years old na siya, matindi pa rin ang kun-disyon at talento ng ating ‘fighting senator’ laban kay Broner. Sa mga nakikita ko sa YouTube sa training ng dalawang boksingero, malayo ang alab ng puso at dedikasyon ni Pacquiao sa nakikita ko kay Broner.
Maliban pa rito, ang estilo ni Pacquiao sa boksing ay mahirap mabasa ng karamihan ng nakalaban niya tulad nina Barrera, Mo-rales, Dela Hoya, Cotto, Mosley, Margarito, Hatton, Vargas, Rio, Bradley at ang huling biktima niya na si Lucas Matthysse ng Argentina. Sabi nga ng mga eksperto sa boksing, kakaiba ang bilis at lakas ng suntok ni Pacquiao at ang mga anggulo niya sa pag-galaw tuwing bato ng suntok niya sa kalaban ay kulang na lang upang tawagin na perpekto. Ang sabi nga ng mga nakalaban at naka-sparring ni Pacquiao ay parang tatlong Pacquiao ang kalaban nila sa loob ng boxing ring.
Bagama’t lamang na lamang si Pacquiao kontra Broner, nangangamba lamang ako na baka masyadong maging kompiyansa ang grupo nila Pacquiao at makaligtaan na magaling din si Broner at maaring masapul niya si Pacquiao na maaring mag knock out sa ating manok. Kampante kasi sina Freddie Roach, Justin Fortune at Buboy Fernandez na kayang-kaya ni Pacquiao si Broner. Sinabi nga ni Buboy Fernandez na gusto nila ay ‘sagasaan’ agad si Broner sa umpisa pa lang ng kanilang laban. Parang nais nilang ma-higitan ang magandang pagka panalo ni Pacquiao kontra kay Matthysse kung saan ilang beses niyang pinadapa ito.
Natatandaan ko pa nu’ng ika-apat na laban ni Pacquiao kontra kay Marquez, lamang na lamang siya sa puntos laban kay Marquez. Nakita ni Pacquiao na kayang kaya niya si Marquez, lalo’t napadugo niya ang ilong ng Meksikanong boksingero. Nguni’t bago matapos ang ika-anim na round, isang segundo na lamang ang naiiwan ay sumugod si Pacquiao kay Marquez. BOOM! Tulog si Pacquiao.
Sana ay hindi ganito ang mangyari kay Pacquiao bukas. Panalangin ng sambayanan ay manalo ka at magbigay karangalan sa ating bansa. Mabuhay ka Sen. Manny! Mabuhay ang Filipinas!
Comments are closed.