ANG BUWAN NG MARSO AY PARA SA KABABAIHAN

DITO sa Pilipinas, ipinagdiriwang ang Women’s Month tuwing buwan ng Marso. Pinararangalan at kinikilala ang kontribusyon ng mga kababaihan sa ating lipunan. Maraming aktibidad ang inilulunsad sa buwang ito upang mabigyang-pansin ang mga isyung ipinaglalaban ng mga babae.

Para sa taong 2023 hanggang 2028, ang tema ng mga pagdiriwang ay “WE for Gender Equality and Inclusive Society” (WE para sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at inklusibong lipunan). Ang kahulugan ng WE sa kontekstong ito ay “Women and Everyone”, at “Women’s Empowerment”. Ang mga konseptong ito ay kumakatawan sa papel ng kababaihan patungo sa layuning magkaroon ng pantay na pagtingin sa iba’t ibang kasarian.

Tumutukoy rin ito sa pagpapalakas ng kababaihan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kanyang sarili upang mas mabilis na mapalapit sa mga layuning minimithi.

Pinangungunahan ng Philippine Commission on Women (PCW) ang pagdiriwang sa bansa at hinihikayat nito ang lahat, hindi lamang mga babae, na magsuot ng kulay lila tuwing Miyerkoles sa buong buwan ng Marso. Maaaring i-post ang mga litrato sa internet gamit ang mga hashtags na ito: #PurpleWednesdays #WEcanbeEquALL at #NWMC2023

Bukod pa rito, maaaring ipagdiwang ang Buwan ng Kababaihan sa pamamagitan ng pagbibigay ng bulaklak sa mga babaeng malapit sa iyo o iyong hinahangaan. Maaari rin silang pasalamatan para sa kanilang katapangan, pagpupunyagi, at sakripisyo. At kung ikaw naman ay isang babaeng may kuwentong maaaring kapulutan ng inspirasyon ng iba, maaari mo itong ibahagi sa mundo upang makatulong sa iyong kapwa.

Ang buwan na ito at mga pagdiriwang at aktibidad na magaganap sa buong Marso ay pagkakataon ng lahat, mapa-indibidwal o grupo man, na magtulong-tulong upang lumikha ng lipunang may pantay na pagtingin sa lahat.