NGAYON ang simula ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa dito sa atin, na ginagawa tuwing buwan ng Agosto ayon sa proklamasyon sa ating 1987 Constitution.
Ang tema para sa taong ito ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha”. Hindi lamang ang ating pambansang wika na Filipino ang ating ipinagbubunyi, kundi pati na rin ang iba pang mga wika dito sa ating bansa.
Kamakailan ay nagkaroon ng ilang usapin ukol sa panukalang parehas na gamitin ang Filipino at Ingles bilang pangunahing midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Ang commissioner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na si Arthur Casanova ay nagsabi na ang KWF ay hindi tumututol dito dahil hindi sila naniniwalang ito ay magiging hadlang sa pagpapayabong sa ating wika at hindi rin umano ito magiging balakid sa pagkatuto ng mga estudyante. Ang pagiging multilingual ay maraming pakinabang, aniya.
Hindi naniniwala si Casanova na ang problema ay nagmumula sa wikang ginagamit sa pagtuturo kundi sa kapasidad ng ilang mga guro sa pagtuturo sa wikang Filipino.
Mas epektibong edukasyon at training para sa ating kaguruan ang susi, aniya. May mga pag-aaral na isinagawa na ilang beses nang nagpatunay na ang kalidad ng pagtuturo ay mas importante kaysa sa wikang ginagamit sa pagturo, kung ang epektibong pagtuturo at pagkatuto rin lamang ang pag-uusapan.
Ang Undersecretary ng Department of Education na si Epimaco Densing ay nagmungkahi na rin sa ating Education Secretary at Bise Presidente ng bansa na si Sara Duterte na gawing Ingles at Filipino ang midyum ng pagtuturo sa ating mga paaralan. Nabanggit din ito ni Presidente Marcos sa kanyang SONA.
(Itutuloy)
o0o
Ang Ballet Philippines ay mayroong libreng masterclass para sa lahat ng mga nabibilang sa larangan ng paglikha, gaya ng mga manunulat, musikero, graphic designers, photographers, choreographers, at iba pa. Sa ika-2 ng Agosto sa ganap na 3:00 n.h., inaanyayahan ang lahat na magpunta lamang sa FB page ng Ballet Philippines para sa Creators Masterclass. Tampok sina Atty. Lorna Patajo-Kapunan (moderator) at Atty. Rico Domingo (pangunahing tagapagsalita). Kanilang tatalakayin ang intellectual property, copyright, at iba pang mga kaugnay na paksa.