(Pagpapatuloy)
MARAMING naniniwala na ang kahusayan sa paggamit ng wikang Ingles ay nangangahulugan ng tagumpay.
Sinasabi na ito ang magbibigay ng armas sa ating mga estudyante sa kanilang pakikibaka sa mundo dahil ito ang wikang ginagamit sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang lahi.
Ngunit ang tanong: Totoo ba ito? Maraming nagsasabi na kahit pa mas marami tayong alam na wika at mas mahusay tayong gumamit ng Ingles kumpara sa mas mayayamang bansa sa Asya tulad ng Japan, South Korea, at China, mas angat pa rin ang kanilang ekonomiya kaysa sa atin.
Kahit na itinuturo ang mga asignaturang Matematika at Siyensiya gamit ang Ingles, hindi pa rin mas magaling ang ating mga estudyante sa larangan ng STEM (Science, Technology, Engineering, Mathematics) pagdating sa international arena. Kung tutuusin, tayo ay pang-76 sa ranggo ng 2018 PISA, isang pandaigdigang pag-aaral ng kakayahan ng mga estudyante sa halos 80 na bansa sa larangan ng Matematika, Siyensiya, at Pagbasa. Ang mga non-English-speaking na bansa tulad ng China, Taiwan, Japan, at South Korea ang nangunguna sa PISA. Kahit ang Vietnam, na itinuturing pa rin bilang isang mahirap na bansa, ay nakatamo ng ika-17 at ika-8 na ranggo noong 2012 at 2015 PISA. Mas mataas pa ito kaysa sa ibang mauunlad na bansa tulad ng UK at USA. Alalahanin nating sariling wika ang gamit ng Vietnam sa kanilang mga paaralan.
Upang mapagbuti ang pagtuturo ng mga guro, kailangan nating maglaan ng mas malaking badyet para sa edukasyon. Kailangan ding bisitahing muli ang mga pamantayan at patakaran pagdating sa pagtuturo. Ang mas maayos na kagamitang pang-edukasyon at mas maraming de-kalidad na training sa pagtuturo ay kinakailangang maibigay, kasama na rin ang dagdag pang mga silid-aralan at mas mataas na pasahod ng mga guro. Oras na upang tingnan ang mga tunay na pangangailangan ng ating mga estudyante at ng ating mga guro at gumawa ng mga reporma upang masiguro na ang mga ito ay matutugunan.