ANG CHOPSUEY NA SENATORIAL LINE-UP SA HALALAN 2022

INANUNSIYO  na ni Atty. Vic Rodriguez ang sampung kumakandidato para sa pagka senador sa ilalim ng koalisyong UniTeam nina dating senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Inday Duterte.

Ayon kay Rodriguez, maaring madagdagan pa ito dahil tinawag niyang ‘partial list’ ang kanilng senatorial line-up.

Ang UniTeam yata ang pinakahuling nagsagawa ng kanilang opisyal na senatorial line-up para sa Halalan 2022 kung ating ikukumpara sa mga ibang mga partido pulitikal na sa umpisa pa lamang ay inanunsiyo na nila ang kani-kanilang senatorial line-up.

Pero teka…kung ating papansinin, magulo at tila wala tayong nakikita na may solid na partido pulitikal na naghain ng buong line-up mula sa presidente, bise presidente kasama ang mga senador.

Nasaan na ang buong tiket ng PDP-Laban? Liberal Party? Nacionalista Party? Nationalist People’s Coalition? Aksyon Demokratiko? LAKAS-NUCD? People’s Reform Party? National Unity Party?

Nasaan na ang ideolohiya ng mga political parties na ito na dapat siyang humuhubog sa kanilang paninindigan upang makatulong sa ating bansa? Hay naku, tigilan na natin ito!

Tama nga ang mga panukala ng mga ibang pulitiko natin na panahon na upang ayusin ang ating Saligang Batas at maging parliamentary system o federalismo ang sistema ng ating gobyerno.

Naglolokohan lang tayo.

Sasabihin ko na. Nag-ugat lahat ang ganitong kalakaran nang palitan ang ating Saligang Batas noong 1986. Minadali at sinalungat ang lahat ng mga probisyon sa ating 1973 Constitution ng panahon ni Ferdinand Marcos. Isang bengatibang Konstitusyon ang tinatawag na 1986 ‘Freedom’ Constitution na pormal na isinagawa bilang 1987 Constituion. Kaya ito ang produkto na tinatawag nating ‘multi-party’ system. Nagkanya kanya na.

Kaya heto ngayon tayo. Chopsuey ang ating sistema ng partido pulitikal. Lalakas ang isang political party sa unang sigwada ng termino ng isang kasalukuyang pangulo. Maglilipatan ang lahat ng mga pulitiko sa tinatawag na ‘dominant’ political party. Kapag may panibagong pangulo na iba ang partido, maglilipatan na naman.

Tingnan na lamang ninyo ang PDP-LABAN. Harap-harapan na nagbabatuhan ng putik ang dalawang paksyon nina Pimentel at Cusi. Kaya ngayon, wala silang standard bearer sa susunod na eleksiyon.

Kawawa ang kanilang mga senatorial line-up. Wala silang presidente at bise presidente. Naulila!

Ganun din sa partidong Aksyon Demokratiko ni Manila Mayor Isko Moreno. Tatlo lang yata ang kanilang kandidato para sa pagkasenador. Sa kampo naman nina Pacquiao, ay pulos endorso lamang ang kanilang nagagawa. Nakatatlo rin sila.

Sa tandem naman nina Lacson at Sotto, bagamat nahuhuli sa survey si Lacson, nakabuo sila ng 14.

Subalit ang iba sa kanila ay nagsanib puwersa rin sa UniTeam nina BBM at Sara. Ano ba talaga koya?!

Haaaays!

Kay VP Leni naman ay may 7 na pambato sila. Malinaw na lahat ng mga ito ay mga oposisyon at ang kulay nila ay dilaw subalit hindi nila binibitbit ang Liberal Party!

Kaya nga sinabi ko na chopsuey na senatorial line-up para sa Halalan 2022 dahil nagmistulang ‘iskrambol’ ang lahat ng mga koponan.