ANG CLIMATE CHANGE AT ANG ATING PAMANANG PANGKULTURA

NOONG  isang linggo, maraming Pinoy ang nag-Visita Iglesia bilang bahagi ng pagdiriwang ng Semana Santa.

Nagalak ang lahat dahil pagkatapos ng dalawang taong paghihigpit dahil sa pandemya, sa wakas ay nakakaikot nang muli ang mga tao. Kaya naman marami ang nagsamantala sa pagkakataon para bisitahin ang pitong simbahan na nasa kanilang listahan.

Dito sa Metro Manila, ang mga karaniwan nang isinasali sa Visita Iglesia ay ang mga sumusunod: Quiapo Church, Baclaran Church, Sta. Cruz Church, Manila Cathedral, San Agustin Church, Sto. Domingo Church, at Binondo Church. Siyempre, marami pang ibang simbahan ang kalimitang binibisita ng mga tao upang tuparin ang kanilang panata. Hindi lamang ito ginagawa bilang debosyon, ito rin ay isang paraan ng paghiling ng pabor mula sa Itaas, kagaya ng pagpapagaling ng sakit o paghingi ng gabay.

Ang Pilipinas ay masuwerte dahil napakaraming lumang simbahan ang nagkalat sa iba’t-ibang probinsiya. Ang mga pinakamatatandang simbahan dito sa atin ay itinayo noong 1600s—kinikilalang pinakamatandang simbahan dito sa Pilipinas ang San Agustin Church sa Intramuros. Ang mga simbahan ng Katoliko ay simbolo ng ating kolonyal na kasaysayan. Hindi sapat na ilarawan sila bilang maganda—ang istruktura at arkitektura ng mga ito, ang marangyang disenyo nila, at mayaman nilang kasaysayan ay dapat nating ipagmalaki.

Marami sa mga simbahang ito ang pinahina, niluma na ng panahon, mga giyera, at kalamidad. Ang ilan sa kanila ay nawasak nang tuluyan, gaya ng Loon church sa Bohol na nasira ng isang lindol sa Central Visayas noong 2013. Responsibilidad nating maging tagapag-alaga ng ating mga luma at makasaysayang simbahan, lalo na ang mga tinukoy o itinangi ng National Historical Commission bilang historic structures o mga makasaysayang istruktura.
(Itutuloy…)