NITONG mga nakaraang araw ay umikot ang balita sa print at online media tungkol sa mabilis na pagtaas ng ating sea level — kakaiba sapagkat mas mabilis umano ng tatlong beses kaysa sa average na bilis ng pagtaas ng tubig dagat sa buong mundo.
Ito ay ayon sa Pagasa mismo, na nagsabi ring nanganganib ang mga bayan at komunidad sa tabing dagat.
Matagal nang alam ng lahat na nagaganap na talaga ang mga epekto ng climate change. Ngunit kung nakaririnig at nakababasa tayo ng mga ganitong balita, ‘di maiwasang magulat pa rin tayo. Ayon sa mga datos mula sa mga siyentipiko at eksperto, ito naman talaga ang dapat nating asahan dahil matagal nang nagsimula ang climate emergency sa mundo. Kaya nga may dalawang bahagi ang pagharap sa climate change: adaptation o ang pag-sabay/pakikibagay dito at mitigation o pagpapagaan ng mga epekto nito.
Naghahanda tayo para sa mga maaaring mangyari habang ipinagpapatuloy pa rin natin ang gawain upang mabawasan man lang ang mga mapanirang epekto nito.
Nakailang COP (Conference of the Parties) na ba tayo? Ano-ano nga ba ang mga ganansiya ng iba’t ibang bansa, at ng Pilipinas, sa usapin ng climate change? Ano-ano ang mga nagawa ng administrasyong Duterte sa isyung ito, at sa kasalukuyan, ano ang mga plano ng Pangulong Marcos sa larangan ng disaster preparedness at climate mitigation?
Ang napansin ko ay kamakailan, nagkaroon ng isang coastal cleanup sa Manila Bay sa araw ng International Coastal Cleanup Day. Hindi ba’t nararapat lamang na mas higit pa rito ang ating ginagawa? Ang susunod na super typhoon ay maaaring nakaamba na sa Pilipinas, ngunit ginagawa ba natin—pamahalaan at indibidwal—ang lahat ng ating makakaya upang protektahan ang buhay mula sa banta ng mga kalamidad?
Kung bibisita ka sa mga espasyo sa internet ng mga ahensiyang may kinalaman sa klima, mapapansin mong masyadong maraming larawan ng mga taong naka-pose sa mga pulong at kumperensiya, at kakaunti lamang ang mga katunayan o katibayan ng aktwal na pagkilos na nagpapakitang ipinapatupad ang mga kasunduan sa mga pulong at kumperensiyang ito. Bilang mamamayan ng mundo, dapat tayong mag-alala sa larawang ito.
(Itutuloy)