ANG CLIMATE CHANGE AT ANG ATING PUSO

(Pagpapatuloy)
KAMAKAILAN ay nakinig ako sa ilang mga talk na bahagi ng Heart Mind Institute Summit na ipinalabas online.

Isa sa mga speaker ay isang Pilipina na tumutulong o gumagawa sa larangan ng climate action.

Nabanggit niya na ang kinakailangan ay ang pagbabagong loob ng bawat tao.

Hindi naman umano kinakapos ang mga istratehiya at polisiya tungkol sa usaping ito, bagkus, ang problema ay hindi naipatutupad nang maayos ang mga ito dahil sa ating mga limitasyon at kakulangan bilang mga tao.

Kinakailangan umanong magsimula ang pagbabago mula sa ating puso–sa palagay ko ay tama siya.

Ayon sa deklarasyon ng Pagasa, ang temperatura ng Pilipinas ay tataas ng 4 degrees sa pagtatapos ng ika-21 siglo, habang patuloy naman na titindi o lalakas ang mga bagyo na tatama sa bansa.

Ayon kay Rosalina de Guzman, ang hepe ng climate data section ng Pagasa, ang mga hakbang upang masugpo ang mga mapanirang epekto ng climate change ay kinakailangang nakapaloob na sa mga plano ng pamahalaan. Kasama na rito ang pagtatalaga ng sapat na pondo upang matugunan ang anumang epekto ng pagbabago ng klima at mapatatag ang mga komunidad sa mabababang lugar upang kayanin nilang harapin ang anumang problemang dulot nito.

Sa kabilang banda, ang papel naman ng publiko ay ang pagsasagawa ng mas aktibo at makabuluhang aksiyon tungo sa tinatawag na energy efficiency. Kasama rito ang pagrerecycle, pagtitipid ng tubig, paggamit ng pampublikong transportasyon, at iba pa.

Alam nating marami sa atin ay hindi kumikilos hangga’t hindi pa hirap na hirap o hangga’t hindi nanganganib ang buhay. Sa harap ng mga datos at paalala mula sa mga eksperto at siyentipiko, patuloy tayo sa ating pang-araw-araw na buhay na tila ba ay normal lamang ang lahat at magiging normal pa rin ang lahat sa mga darating na taon.

Hindi na ito usapin ng pagdudulot ng panic o pagkabahala sa publiko. Ito ay usapin ng malinaw na pagtingin sa datos at pagharap sa katotohanan, at ang taos-pusong pagkilos upang makatulong na mailigtas mula sa kapahamakan ang ating sarili, kapwa at Inang Kalikasan.