Sweeeng! Marahil karamihan sa atin ay napapangiti kapag naririnig ang salitang “swing” dahil maraming masasayang alaala ng ating kabataan ang nagbabalik gaya ng pagsakay sa swing. Sa tuwing sumasakay tayo ng swing, kasiyahan ang ating nararamdaman at tayo’y nakakapagmumuni-muni rin.
Ito ay nagdudulot din sa atin ng makukulay na imahinasyon at tumutulong na magbigay ng positibong pananaw sa buhay. Ito ang tema ng mga obra ni Benjamin “Mang Ben” Ganapin Jr. na kanyang ibabahagi sa exhibit.
Kaya sa ikatlong pagkakataon, sa pamamagitan ng “Sweeeng”, tayo’y muling magsama-sama na makapagbigay ng tulong at saya sa ating mga kababayan na nangangailangan ng suporta at pagkalinga.
Magkaisa tayo at maghawak kamay sa pagtulong upang muli ay maiangat at mabigyan ng positibong pananaw ang ating mga kapwa. Ito ay pangatlo na ni Mang Ben ngayong nasa ilalim tayo ng pandemya at nakaka-good vibes na isiping kahit sa gitna ng problema ay maraming tao ang nagtutulungang makatulong.
Halina! Maging kabahagi sa paglalakbay na ito! Suportahan ang Art Exhibit For a Cause sa Marso 5-12, 2022 sa Brewing Point Congressional Ave. Ang opening ceremony ay gaganapin sa March 5, 2022 ng 12 pm na pangungunahan nina Rotary Governor Florian Enriquez, mga past presidents ng Rotary Club of Cosmopolitan Cubao na sina Dr. Jess Tumaneng at Engr. Romualdo Aldecoa, owner ng Chelsea at Finickee Shoes na si Dra. Joana leyva, at owner ng Caspar Roofing Inc. na si Mr. Pol Castillo.
Makikita sa event na ito ang 72 artworks ni Benjamin “Mang Ben” Ganapin Jr. Tampok sa kanyang mga likhang sining ang mga pag-rendition ng mga kulay, pagkakayari o texture at pagsubok ng iba’t ibang estilo at strokes. Ang bawat obra ay may mensahe galing sa kanyang daily devotion, sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, pag-ibig sa pamilya, pakikipag-ugnayan sa mga tao, at sa pagpapalago ng pagkamalikhaing kakayanan na ibinigay ng Diyos.
Natuklasan ni “Mang Ben” ang kanyang kakayanan sa pagpipinta noong siya ay nasa high school. Ang kanyang talento ay unang nakilala sa taunang event na Flame Tree Festival noong 2006 sa Saipan, kung saan siya ay naging isang misyonaryong accountant ng isang paaralan. At dahil likas sa kanyang puso ang pagtulong, ang kinita sa mga nabiling paintings ay ibinigay niya sa isang small organization dito sa Pilipinas. Mula noon ay marami pang exhibitions ang sinalihan niya sa Saipan upang patuloy na makapagbigay ng tulong.
Noong 2020 dala ng pandemya at matagalang quaratine, muling nagkaroon ng panahon si Mang Ben na lumikha ng mga magaganda at makahulugang mga paintings. At Nobyembre 2020 ay isinagawa niya ang kanyang unang solo exhibit sa Pilipinas na pinamagatang “Doble” upang makalikom ng pondo para sa BVG Foundation at makatulong sa mga taong naapektuhan ng pandemya. At ito’y nasundan ng ikalawang art exhibit na pinamagatang “Beyond Canvas” noong March 2021 upang muling makakalap ng pondo na gagamitin para maipagpatuloy ang mga proyekto na maaaring magbigay pag asa sa ating mga kababayan na makabangon muli mula sa pandemya.
Kasabay ng Art Exhibit ay ang book launching din ng Family Devotional Book 2 kung saan ang mga “illustrations” na ginamit ay ang mga obra ni Mang Ben. Ito ay may halos 70 devotional lessons na may nakakakiliting mga istorya ng author na para kang nakasakay sa swing habang iyong binabasa.
Katulad ng swing, ang bagong devotional book na ito ay maaaring maging isang instrumento para sa ating pagmumuni-muni habang diniduyan tayo ng kabutihan ng Diyos. Gamit ang aklat na ito, magandang isipin ang mga aral ng nakaraan at ang kalakasan sa hinaharap na makukuha sa tulong ng ating Diyos.
Layunin ng Family Devotional Book na magkaroon ng regular devotional time ang buong pamilya. Sa takdang oras na ito, maaaring magkwentuhan ang pamilya tungkol sa mga magagandang karanasan sa buhay at mapag-usapan ng may pag-asa maging ang mga bagay na dapat baguhin ng bawat isa upang magkaroon ng mas matatag na samahan ang bawat pamilya. Ang aklat na ito ay parang isang masayang swing ng buong pamilya na magsisilbing gabay ng bawat miyembro ayon sa turo ng Bibliya sa oras ng kasiyahan o kasaganaan maging sa panahon man ng kalungkutan o kagipitan. Sa pag-aaral ng mga salita ng Diyos gamit ang Family Devotional Book 2, magkakaroon ng kagalakan ang bawat isa dulot ng kamangha-manghang presensiya ng Diyos na siyang dahilan upang tayo’y magkaisa at hindi magsawang tumulong sa kapwa bilang isang pamilya.
Inilulunsad ang Art Exhibit at Family Devotional Book 2 upang makalikom ng pondo para sa Bisyong Pagnenegosyo at sa paghahatid ng tulong sa mga kapos palad na mga komunidad sa Tarlac at Pangasinan na mga proyekto ng BVG Foundation Inc.
Nakaka-excite na maalaala ang mga masasayang karanasan na nagtutulak sa atin na higit pang pagbutihin ang buhay para mas marami pa tayong matulungan. Gaya ng pagsakay sa swing na may paatras at pasulong, maihahambing din ito sa pagtulong sa kapwa. May panahong tayo’y mag-iisip isip ng mga paraan kung paano pa makakatulong sa iba pero sulong pa rin palagi.
Ang istroyang ito ay bahagi ng kolaborasyon sa pagitan ng PILIPINO Mirror at BVG Foundation, Inc. at Bisyong Pagnenegosyo na inorganisa ni Dr. Benjamin V. Ganapin, Jr. para makatulong sa ating mga kababayan na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.