HARAPIN natin ang pang-araw-araw na kalbaryo at reyalidad na dinaranas nating mga Filipino lalong-lalo na sa Metro Manila: ang mabigat na trapiko. Para kay MMDA Chairman Danny Lim kailangang obserbahan ng mga Filipino, motorista man, pasahero o pedestrian ang disiplina sa mga lansangan.
Nasa P2.4 bilyon kada araw ng pinagsamang pondo ng bawat mamamayan at pamahalaan ang nasasayang dahil lamang sa mabigat na trapiko sa bansa, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa loob ng isang taon ay aabot itong matatawag na lost income o savings sa P643 bilyon.
Ayon naman sa isang pag-aaral ng kilalang urban planner na si Felino Palafox, naniniwala siyang kinakailangan ng Metro Manila ng mga 10 circumferential road at isang railway system na magli-link sa buong kapuluan.
Sa ganang akin mga kamasa, maaaring tulong na rin sa pagsisikap ng MMDA, may mga simpleng solusyon sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Una, ipatupad ang odd-even scheme para sa mga pampribadong sasakyan sa buong Metro Manila. Kalahati kaagad ng bilang ng mga ito ang mawawala sa mga lansangan.
Ikalawa, matagal na natin itong ipino-propose, tanggalin ang mga terminal ng mga pamprobinsiyang mga bus mula sa EDSA, at mag-establisa ng terminal sa Valenzuela City, na palagay natin ay pinakinggan na ng mga kinauukulan, para sa mga papuntang norte, at isang terminal naman sa Alabang para sa mga bus na biyaheng pa-south.
Ikatlo, i-tow lahat ng sasakyan na ginagawang parking area ang mga side street at mga pampublikong lansangan, ipatupad ng mahigpit ang “no garage, no vehicle” policy.
Ikaapat, ibalik at isaayos ang mga U-Turn slot na unang ipinatupad ni dating MMDA chairman Bayani Fernando. Kung kina-kailangang tanggalin ang mga stoplight e tanggalin na ang mga ‘yan.
Ikalima, tanggalin ang mga kolorum na bus sa EDSA at sa lahat ng lansangan sa Metro Manila.
Ikaanim, bigyan lamang ng 30 segundo hanggang isang minuto sa bus stop ang mga bus na nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero.
Ikapito, mahigpit na ipatupad ang paggamit ng bus lane at motorcycle lane sa EDSA.
Ikawalo, panatilihing may mga kawani ng MMDA ang lahat ng busy intersection sa lahat ng oras hanggang gabi.
Ikasiyam, paggamit ng sentido komun sa pag-iskedyul ng implementasyon ng mga paggawa sa mga pampublikong lansangan ng Department of Public Works and Highways at ng mga lokal na pamahalaan.
Halimbawa, ang mga gawa pang mga kalye na kadalasan ay kagagawa lang naman ay huwag na munang wasakin at gawin muli, at ang mga drainage system ay nararapat na gawin kada summer vacation para huwag sumabay sa pasukan ng mga estudyante.
Ikasampu, sabi nga ng ating MMDA chairman, nararapat na ang mga motorista ay maging disiplinado sa lansangan, sundin ang mga batas trapiko at maging kalmado sa bawat oras na ginugugol sa kalye, in short, maging cool sa kalye.
Comments are closed.