ANG DAAN PATUNGO SA BAGONG PILIPINAS

NITONG  Lunes ay inihatid ni President Bongbong Marcos ang kanyang ulat sa bayan, ang ikalawang SONA ng Pangulo, kung saan inilunsad din niya ang kampanyang Bagong Pilipinas kasabay ng pagbabahagi ng mga datos upang patunayang maganda ang lagay ng ekonomiya ng bansa. Ibinida ng Pangulo ang patuloy na pagbaba ng implasyon dito sa atin.

Pinuri rin ng Pangulo ang mga manggagawang handang tumulong upang umunlad ang Pilipinas dahil sa pagmamahal ng taumbayan sa ating bansa at pati na sa kapwa Pinoy.

Pagtitipid ng tubig ang mungkahi niyang aksyon ng bawat Pilipino upang tumugon sa nagaganap na El Niño.

Nabanggit din ang pagpapataw ng dagdag na buwis para sa mga single-use plastics. Sa palagay ko ay kulang talaga ang inisyatiba ng kasalukuyang administrasyon patungkol sa krisis sa klima.

Mabuting balita ang laging dala-dala ng SONA at iyan ay maaari na nating asahan mula sa sinumang pangulo bawat taon. Ngunit bilang responsableng mamamayan, mainam ding huwag nating kalimutan ang mga karanasan at aral na natutunan natin dala ng mga pagsubok na sama-sama nating pinagdaanan.

Nariyan ang napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin (kasama na ang asukal, at hindi rin natin malilimutan ang panahong hindi tayo makabili ng sibuyas), ang patuloy na problema sa West Philippine Sea, kakulangan pa rin sa sahod sa kabila ng P40 na dagdag kamakailan, korapsyon, patuloy na paglabag sa karapatang pantao, at iba pa.

Kaisa tayo sa mga umaasa, at kumikilos, upang magtagumpay ang pamahalaan sa mga mabuting layunin nito, para sa kapakanan ng mas nakararaming Pilipino.