NAGING matindi ang epekto ng COVID-19 sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Sa sobrang tindi ng pinsala nito sa ekonomiya ay naging dahilan ang pandemyang ito upang bumagal ang paglago ng ekonomiya ng iba’t ibang mga bansa ngayong taong 2020.
Ang industriya ng turismo ang natukoy na isa sa mga industriyang nakaramdam ng matinding hagupit ng pandemya. Tila lumundag na una ang ulo ang takbo ng turismo ngayong 2020 dahil sa COVID-19. Bunsod nito, maraming mga negosyo na umaasa sa turismo ang halos malugi at nanganganib nang tuluyang magsara.
Dito sa Filipinas, ganyan din ang karanasan ng industriya ng turismo. Habang wala pang permanenteng solusyon gaya ng bakuna para sa COVID-19, nananatiling walang kasiguraduhan ang hinaharap ng industriyang ito.
Ayon sa datos na inilabas ng World Travel and Tourism Council (WTTC), tinatayang aabot sa 75 milyong trabaho na may kaugnayan sa turismo ang nanganganib sa buong mundo. Sa Filipinas, sa industriya ng turismo naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nawalan ng hanapbuhay. Ngayong taon din naitala ang pinakamataas na ulat ng unemployment rate sa bansa na mula sa 5.1% noong parehong mga buwan ng nakaraang taon ay tumalon sa 17.7% ngayong ikalawang quarter ng taon. Napakatindi talaga ng naging epekto ng mga ipinatupad na lockdown sa iba’t ibang bansa, kasama na ang Filipinas.
Sa datos ng Department of Tourism (DOT), ang pagpasok ng mga biyahe mula ibang bansa para sa buwan ng Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon ay bumagsak sa bilang na 1.3 milyon mula sa 3.49 milyon noong nakaraang taon. Bunsod nito ay bumagsak ang ating kita mula sa turismo sa P81.05 bilyon sa unang anim na buwan ng taon kumpara sa naitalang P205.50 bilyon noong unang anim na buwan ng nakaraang taon.
Isang malaki at matinding hamon ang kasalukuyang hinaharap ng industriya ng turismo. Isang matinding hamon ang pagbangon nito ngayong panahon ng pandemya na wala pang bakunang nadidiskubre para sa nasabing virus. Ang pinakamatinding balakid na kinakaharap ng turismo ay ang 14-day quarantine na ipinataw sa lahat ng bansa dahil sa pandemya. Noong wala pang pandemya, isa ang turismo sa mga industriya na malakas magpasok ng pera sa bansa at makapagbigay ng trabaho sa mga mamamayan. Ngunit ngayong panahon ng pandemya, tila bigla itong nawalan ng pakinabang na siyang naging dahilan ng paghinto ng pamamayagpag nito.
Nagiging makatotohanan naman ang industriya ng turismo sa sitwasyon. Batid nilang wala talagang kasiguraduhan kung kailan magsisimulang makabangon ang industriya kapag tinanggal na ang restriksiyon sa pagbiyahe papasok at palabas ng Filipinas.
Noong mga nakaraang buwan na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang bansa, maraming biyahe at planong pagbiyahe ang kinansela. Maging ang mga biyahe ng bus papunta at palabas ng mga probinsya at mga biyahe ng mga barko ay hindi nakaligtas at ipinahinto noong ECQ. Ipinahinto rin pansamantala ang operasyon ng mga hotel bilang pagsunod sa panuntunan ng ECQ. Ang mga pribado at pampublikong pook-pasyalan gaya ng mga park, mall, zoo, theme park, at iba pa ay pansamantala ring nagsara upang masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan.
Ang pagbagsak ng turismo ay may malaki ring epekto sa ating ekonomiya. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 12.7% ng kabuuang kita ng ekonomiya noong 2018 ay mula sa industriya ng turismo. Mula Enero hanggang Oktubre noong nakaraang taon, higit sa pitong milyong turista ang pumasok sa bansa – karamihan ay mula sa China. Ayon sa DOT, mayroong 1.49 milyong turista mula sa China ang dumating sa bansa bago pumutok ang pandemya, at ito sana ay tinatayang aabot ng apat na milyon ngayong 2020.
Ang dalawa sa mga sobrang sikat na lugar na dinarayo ng mga turista sa bansa ay ang Palawan at Boracay. Ang turismo sa dalawang lugar na ito ay may malaking kontribusyon sa kita ng industriya. Ngunit dahil sa pandemya at sa ipinatupad na lockdown, napuwersa ang mga lugar na ito na isara ang kanilang lugar sa mga turistang nais makita ang ganda nito bilang pagsunod sa panuntunan ng ECQ. Walang makapapasok at wala ring makalalabas. Dahil sa pagsasara ng isla ng Boracay at Palawan sa mga dayuhan, nadamay na rin ang mga hotel sa mga lugar na ito.
Upang matulungang makabangon ang mga negosyong may kinalaman sa turismo na naapektuhan ng pandemya, ang DOT ay magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga ito upang kahit paano ay mapagaan ang epekto ng COVID-19 sa industriya.
Lahat ay nakaabang sa bakuna na siyang magiging sandata ng lahat laban sa pandemyang ito. Ito rin ang magiging susi ng mabilis at tuloy-tuloy na pagbangon ng industriya ng turismo kasama ng iba pang industriyang naapektuhan ng COVID-19. Habang wala pang bakuna, pinag-aaralan ding mabuti ng DOT ang mga hakbang na maaari nitong gawin upang unti-unting makapagbukas ang mga sikat na destinasyon sa bansa lalo’t napaka-kaunti ng naitalang positibong kaso ng COVID-19 sa mga lugar na ito.
Ako ay nananalig na hindi magtatagal ay magagamit nating muli ang slogan ng turismo na “It’s more fun in the Philippines!” Sa ating muling pagbangon mula sa hagupit ng pandemyang ito, napakahalaga ng papel na gagampanan ng pamahalaan at ng pribadong sektor. Makailang ulit na nating nakita ang napakagandang epekto ng pagtutulungan ng dalawang sektor na ito ng ating lipunan.
Comments are closed.