ANG DAMING ISYU NA IBINABATO LABAN KAY BBM NGUNIT HINDI DUMIDIKIT

SIMULA nang umugong ang plano ni Bongbong Marcos (BBM) na tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa ating bansa, kaliwa’t kanan ang mga isyung binubuhay o kaya ay iniimbento laban sa kanya.

Ang hangad ng mga laban ay hindi matuloy ang nasabing plano ni BBM.

Ganoon pa man, tila walang epekto ang lahat ng mga isyung ibinabato sa kanya. Kitang-kita ito sa mga sunod-sunod na resulta ng survey kung saan si BBM pa rin ang nangunguna sa survey. Hindi lamang nangunguna, ang laki pa ng lamang niya sa sumusunod sa kumakandidato sa pagka- presidente.

Ni hindi natinag ang numero ni BBM matapos ang mga isyu sa hindi niya pagdalo sa mga debate sa mga programa sa telebisyon ng mga kandidato sa pag-kapangulo. Binatikos si BBM ng mga oposisyon sa hindi niya pagharap sa mga kalaban niya sa pagka-presidente.

Ngayon naman ay binubuhay ang umano’y ‘utang’ daw ni BBM sa gobyerno sa hindi niya pagbabayad ng buwis sa mga ari-arian at lupain na pag-aari umano ng kanyang ama. Ha? Parang hinipan na ng malakas na hangin at unti-unting napupulbos ang patutsada ng mga kritiko ni BBM nang ilabas ang mga naging opinyon ng Kawanihan ng Rentas Internas at Korte Suprema hinggil sa isyu ng estate tax ni yumaong dating Pangulo Ferdinand E. Marcos, Sr.

Pinasinungalingan mismo ng BIR ang isang kilalang abogadong kritiko na patuloy na naglalabas ng kasinungalingan at mapanirang pahayag laban kay BBM.

Sa kagustuhan na matalo at madiskaril ang kampanya ni BBM, hindi binabanggit ng kritiko ang buong katotohanan sa inilabas ng BIR na tatlumpung Notice of Levy para sa mga iniwang ari-ariang ni dating Pangulong Marcos.

Mukhang pilit na binabaluktot ang katotohanan na isinubasta ang ilang ari-arian ni dating Pangulong Marcos, at nang walang bumili ay na-forfeit ang mga ito ng pamahalaan bilang kabayaran sa ipinataw na estate tax para sa nasabing mga ari-arian.

Ang Korte Suprema ang magpapasya sa kaso ng notice of levy na inisyu upang matugunan ang delinquent estate tax na, “Ang delinquent taxpayer ay ang Estate ng yumao, at hindi kinakailangan, at eksklusibo si Bongbong Marcos bilang tagapagmana ng namatay.”

Ayon kay dating Senador Juan Ponce Enrile, na isa ring kilalang tax lawyer, kalokohan ang mga paratang laban kay BBM at sa kanyang mga kapatid. Ani Enrile, ang taxpayer ng estate tax ay hindi ‘yung tagapagmana, kalokohan ‘yung sinasabi nila na may utang si BBM at ang kanyang mga kapatid.

Giit din ni Enrile, nakakatawa ang ipinipilit ng mga kritiko na may utang si BBM at ang pamilyang Marcos sa gobyerno, dahil ang nasabing mga ari-arian ay sinequester na ng pamahalaan ni dating Pangulong Cory Aquino sa ilalim ng ahensiya na ginawa nila. Ito ay ang Presidential Commission on Good Government o PCGG na hanggang ngayon ay wala pag matibay o malaking kaso na isinampa laban sa pamilyang Marcos na nagtagumpay.

Ayon kay Enrile, kinakailangan munang maisaayos at maisapinal ang desisyon kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng mga ari-arian ni Marcos bago nila singilin ang mga ito kung totoong may pagkakautang pa ang mga naulila ni Pangulong Marcos.

Bagaman may mga kaso pang nakabimbin sa korte, nawa’y katotohanan lang sana ang inilalabas ng mga katunggali ni BBM, at sana tigilan na rin ang mapanira at puno ng galit na kampanya laban kay BBM.

Sa palagay ko, ang mainam ay lagyan ng mga bumabatikos kay BBM ng malagkit na kanin ang mga isyu laban kay BBM at harinawa’y dumikit. Pero sa ngayon, hindi kinakagat ng karamihan ng mga botante ang mga sinasabi ng mga kritiko ni BBM. Malinaw ito sa resulta ng mga survey.