ANG DAPAT NATING GAWIN NGAYONG DISYEMBRE

ANG PRESYO ng mga pangunahing bilihin ay mataas pa rin kaya kahit na narito na ang malamig na simoy ng Pasko, inirereklamo pa rin ng maraming Pilipino ang maliit na badyet para sa Kapaskuhan.

Sa Amerika, maugong ang usap-usapan tungkol sa isang recession na maaaring maganap umano sa 2023.

Malawakang kawalan ng trabaho at pagbulusok ng stock market ang ilan sa mga epekto nito kapag nagkataon.

Dito naman sa atin, ang inflation rate para sa buwan ng Nobyembre ay bukas pa lamang ilalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ngunit naglabas na ng forecast ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)—nasa 7.4 percent hanggang 8.2 percent umano ang inflation rate dito sa atin para sa nagdaang buwan.

Kaya naman kahit na may kaunting posibilidad na makasira sa mood ng Pasko, sa tingin ko ay nararapat lamang na maglaan tayo ng panahon ngayong buwan upang magplano ng ating finances para sa darating na taon. Maaari tayong maligtas sa posibleng sakit ng ulo kung mayroon tayong malinaw na plano.

Halimbawa, puwede nating itabi ang bahagi ng ating December bonus upang dagdagan ang ating emergency fund o savings. Kung wala pa kayo nito, puwede ring gamitin ang pera upang makapagsimula na dahil napakahalaga na mayroon tayong emergency fund. Ayon sa mga finance experts, mayroon dapat tayong ipon na katumbas ng gastusin sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Iwasang gamitin ang perang ito kahit na may kailangang bilhin o bayaran, puwera na lang kung talagang nasa emergency situation ka na.
(Itutuloy)