(Pagpapatuloy)
ISANG paraan pa para maghanda para sa susunod na taon ay ang pagtitipid at pag-iisantabi ng pagbili ng mga bagay na hindi pa naman kagyat na kailangan. Halimbawa, kung ang isang bagay ay maaari pang ayusin kaysa bumili ng bago, mas mainam ito. Puwera na lamang kung mas mahal pa ang pagpapakumpuni kaysa pagbili ng bagong kapalit.
Ang pagdiriwang nang payak ay isa ring magandang pagkakataon na makapagtipid. Maaaring magbigay ng hindi mamahalin ngunit kapaki-pakinabang o pinag-isipang mga regalo. Maaaring bigyan ng higit na pansin at panahon ang pagpaplano ng ihahanda at puwede rin namang sa bahay na lamang magdiwang kaysa umupa pa ng kuwarto sa isang hotel o resort.
Pag-aralan din kung saan pa maaaring magbawas ng gastos. Kung may subscription o mobile app kang hindi naman mahalaga, baka maaaring alisin muna ito. Puwede rin namang ipagpaliban ang magagastos na pagbiyahe o aktibidad, magtipid sa konsumo ng koryente at tubig, at maayos na pagpaplano sa paggawa ng shopping list o grocery list.
Ilan lamang ito sa mga halimbawang malaki ang maitutulong. Puwede ring mag-imbak ng ilang mga bagay upang maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga ito at nang makapagtipid din dahil marami ang bibilhin. Magtanim ng gulay at herbs sa likod-bahay, at bayaran ang mga pagkakautang lalo na yaong may malalaking interes. Mas mainam siyempre kung iiwas na nang tuluyan sa pangungutang.
Totoong mahirap nga ang pagtitipid o pagsunod sa isang financial plan habang nasa kalagitnaan ng Kapaskuhan dahil may tukso ng paggasta sa bawat sandali. Makatutulong ang pagkakaroon ng isang makatotohanang badyet at ang pagsunod dito.
Iwasan ang padalos-dalos na paggasta. Napakagandang pagkakataon ang Disyembre upang pag-aralan ng bawat isa sa atin ang ating sitwasyon sa larangan ng pananalapi, at ng pagbuo ng mga bagong layuning may kinalaman dito.
Kasama na siyempre ang paggawa ng mga nararapat na pagbabago upang makatawid nang matiwasay sa susunod na taon.