ANG DESISYON AY NA KAY SEN. BONG GO

NOONG  nakaraang linggo, naging mainit ang usapang pulitika dahil sa pagdagsa sa Comelec ng mga nais kumandidato para sa 2022 election upang mag-file ng kani-kanilang certificate of candidacy o CoC.

Hindi kataka-taka na ang tampok ng teleserye sa pag-file ng CoC noong nakaraang linggo ay ang pag-atras ni Pangulong Duterte sa kanyang banta na tatakbo siya bilang bise presidente sa susunod na halalan. Ang nakadagdag pa sa kulay ng kontrobersiya ay ang pag -anunsiyo ni Sen. Bong Go na tatakbo siya bilang bise presidente sa susunod na taon. Napaisip tuloy ako. Eh sino ang magiging katambal niya bilang presidente?

Matatandaan na nga nagpasabog ng pahayag si Davao City Mayor Sara Duterte, na isa sa mga nangunguna sa survey sa pagka-presidente, na hindi siya tatakbo sa pinakamataas na posisyon ng bansa kapag tatakbo ang kanyang ama bilang VP sa susunod na halalan. Dagdag pa ni Mayor Sara na hindi niya tatanggapin ang alok na liham mula sa partido PDP-Laban na kampo nina Sec. Cusi na si Sen. Bong Go ang magiging katambal niya bilang VP ng nasabing partido. Ito ay liham na ibinigay ni Pangulong Digong sa kanyang anak. Masagwa nga naman tingnan na ang presidente at bise presidente ay magmumula sa Davao. Parang asiwa yata ito.

Kaya naman nagtataka ako kung bakit pilit pa rin na isinusubo ito kay Inday Sara. Sa katunayan ay nag-file na rin ang mayora ng kanyang CoC upang tumakbo muli bilang mayor ng Davao City. Marami ang nadismaya sa ginawang hakbang ni Mayor Sara rito. Subalit hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang supporters ni Inday Sara na magbago ang isipan at paunlakan ang sigaw at hiling na tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas…pero iba pang istorya ito sa kabuuang teleserye.

Balik tayo kay Sen. Bong Go. Bakit nga ba gusto niyang tumakbo bilang VP sa susunod na halalan? Hindi ba’t ang termino niya bilang senador ay magtatapos pa sa 2025? Pangalawa, hindi ba’t mababa ang numero niya sa nakaraang resulta ng survey? Si Go ay may 11% rating kapag tatakbo siya bilang VP. Ang talagang makakalaban niya rito ay si Senate President Tito Sotto na nangunguna sa ngayon na may 15%.

At uulitin ko, sino naman ang magiging katambal ni Bong Go? Sa pag-aaral at kasaysayan ng pulitika sa ating bansa, malaking bagay ang hatak at popularidad ng kandidatong bise presidente upang makatulong sa pagkapanalo ng kanyang presidente.

Kaya naman ang mga tulad nina Mayor Isko na katambal ay si Dr. Willie Ong bilang VP niya ay nagdulot ng hindi magandang reaksiyon. Ganun din sa katambal ni Sen. Manny Pacquiao na si Rep. Lito Atienza na hindi kasama sa mga nangungunang pangalan sa survey sa pagka VP. Si Sen. Sotto lamang ang may ganitong formula na maaaring makatulog kay Sen. Ping Lacson sa pagkapresidente.

Ang dalawa pang nangunguna sa presidential survey na sina Bongbong Marcos at Leni Robredo ay wala pang anunsiyo at kung sino ang kanilang kukunin na VP. Inuulit ko, si Mayor Inday Sara ay maaari pang magpalit ng desisyon bagama’t nag-file na siya ng CoC sa pagka-mayor ng Davao.

Sa akin lamang, dapat yata ay magbigay daan na lamang si Sen. Bong Go para kay Mayor Sara. Hindi naman kailangan na tumakbo si Bong Go sa pagkabise presidente. Suportahan na lamang niya ang hiling ng nakararami, batay sa survey, na tumakbo si Sara sa pagka- presidente. Iyan ay kung talagang tototohanin ni Inday Sara ang hamon sa pagka -presidente.

Kung hindi din ako nagkakamali, si Mayor Sara at ang kanyang lokal na partidong Hugpong ng Pagbabago (HNP) ay todo suporta sa kandidatura ni Bong Go noong nakaraang eleksiyon kung saan nasa ika-tatlong puwesto siya sa ilalim ng PDP-Laban. Nanguna lamang si Cynthia Villar at Grace Poe kay Bong Go.
Dapat yata ay maibalik niya ang tulong na ginawa ni Mayor Sara sa kanya noong nakaraang eleksiyon.

Noong mga nakaraang buwan, nagbitiw ng pahayag si Bong Go matapos siyang ma-nominate ng PDP-Laban (Cusi Wing) bilang standard bearer ng kanilang partido. Tinanggihan ito ni Bong Go at sinabi niyang wala siyang planong tumakbo sa pagka-pangulo.

Ito ang kanyang sinabi, “Kung ano po ‘yung makakabuti at sino po ‘yung makapagpatuloy ng inumpisahang pagbabago ng ating Pangulo susuportahan ko po ‘yon. I leave my fate to the Filipino people and, of course, sa mga Dutertes, sila naman po ang magdedesisyon kung ano ang tatakbuhan nila. Ipapasa-Diyos ko na lang po ang lahat kung saan po ako dadalhin nito, kung saan man po ako ipapadpad.”

Nasa inyo po ang desisyon Sen. Bong Go.

94 thoughts on “ANG DESISYON AY NA KAY SEN. BONG GO”

Comments are closed.