ANG EPEKTO NG PAGTANGGAL NG PLANTILYA NG FORENSIC TEAM NG PUBLIC ATTORNEY’S OFFICE NG ILANG SENADOR SA MGA MAHIHIRAP NA KLIYENTE NITO

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

KAMAKAILAN lamang umugong ang balita na ang mga Senador na si Angara at Drilon ay nag-insert sa General Appropriations Act version ng Senado na may epekto na tanggalin ang mga plantilya ng PAO Forensics Doctors at ito ay aprubado na sa Bicameral . Ang legalidad ng bagay nito ay hindi ko nais na talakayin, subalit hayaan nyo ako na sabihin ang epekto nito sa mga mahihirap na kliyente ng Public Attorney’s Office.

Ano nga ba ang importansya ng isang Forensics Investigation sa isang kaso? Ang Forensic Investigation at Analysis ay ginagawa ng isang Doctor na trained at may experience upang mag analyze ng cause of death ng isang tao. Ito ay nagagawa sa pamamagitan ng Autopsy upang tignan ang katangian at itsura ng mga organs at tissues ng isang namatay na tao. Sa isang Criminal Case, ang Forensic Findings ay makakatulong upang I-establish ang “Proximate Cause of Death”, ito ay isang matinding ebidensya upang maidiin ang kaso sa isang akusado, at sa isang banda naman ay upang mapawalang sala ang isang nakasuhan.

Ang Proximate Cause of Death ay ang mag-uugnay sa isang “Act” or “Kilos”, at sa “Injury” or “Death” ng isang tao. Ito ay madaling maiintidihan sa pamamagitan ng isang halimbawa; Sabihin na natin na ang isang lalaki napangalanan nating Ginoong F ay isang matandang may sakit sa puso at kasalukuyang stable at umiinom ng mainam ng kanyang maintenance, ay pinainom ng lason na lingid sa kanyang kaalaman ng kanyang nag-iisang anak na pangalanan nating Ginoong S, dahil sa kasakiman at gusto nya na ang mga ariarian ng kanyang ama ay mapunta na sa kanya. Makaraan ang ilang oras, si Ginoong F ay inatake sa puso, siya ay dinala sa isang ospital kung saan siya ay nadeclare na “Dead on Arrival” at ayon sa kanyang Death Certificate siya ay namatay sa “Cardiorespiratory Arrest Probably Secondary to Myocardial Infarction” (Myocardial Infarction na ang ibig sabihin ay atake sa Puso). Kapag si Ginoong S ay nakasuhan, ang unang unang tanong ay ang pagpapainom ba niya ng isang substance ay ang nag sanhi ng pagkamatay ni Ginoong F? Pangalawang tanong, ay kung ang Death Certificate ba niya ay isang mainam na ebidensya na siya ay namatay sa sakit sa puso at hindi sa lason na binigay ng kanyang anak? Sa puntong ito, makikita natin na maraming butas upang mapawalang sala or mahatulan si Ginoong S. ang Proximate Cause of Death ay ang maguugnay sa mga ito, at ang Death Certificate ay mababalewala kung ito ay salungat sa Autopsy Findings ng isang namatay. Kung ang Autopsy findings ay makakitaan na ang dugo ng namatay ay mayroong trace ng lason na pinainom at ang pagkamatay ng taong yaon ay ang siyang epekto ng lason na ito, ang pre existing na sakit sa puso ni Ginoong F ay masasabing HINDI ang “Legal Proximate Cause of Death” at ito ay ang LASON NA BINIGAY NI GINOONG S. Ang sakit sa puso ay masasabing isang Co Morbid lamang at hindi ito maituturing na  “Efficient Inter-vening Cause” na maaring maging balakid sa pag-establish ng pag-papainom ng lason at ng pagkamatay ng isang tao. Ang pagkamatay ni Ginoong F ay ang natural, diretso, at logical na epekto ng pagpapainom ng lason sa kanya, ito ay dapat mapatunayan sa korte kasama na din ang intention ni Ginoong S na patayin si Ginoong F by “Proof Beyond Reasonable Doubt”.

Sa halimbawang nabanggit, makikita natin kung gaano ka-importante ang isang Forensic Analysis at mga Autopsy findings sa isang legal na kaso. Ang pag-tetestify ng mga Forensics Doctors bilang mga Expert Witness ay mahalaga upang sila ay ma-examine at ma cross-examine sa Korte. Kapag inalis ang plantilya nito, sino ang mag establish ng mga bagay na ito? Hindi lamang ang Public Attorney’s Office ang mayroong Forensic Laboratory, ang PNP, NBI, CHR at iba pa ,ay mayroon din nito. Ang pahiwatig ni Senator Drilon na maari namang I-refer ng PAO sa mga ahensya na ito ang kanilang Forensic Examination ay isang gross na pagkakamali. Ang Forensic Findings ay hindi lang ibinibigay ng isang NAGKASO ngunit ito ay nilalapag din sa korte ng isang AKUSADO, magkakaroon ng CONFLICT OF INTEREST kapag ang Public Attorney’s Office ay walang sariling Laboratory lalo na kung sila ay nasa PANIG ng AKUSADO at ang mga Ahensyang nabanggit ay nasa PANIG NG PROSEKUSYON.

Ang mga maliliit na bagay na akala natin ay balewala sapagkat hindi na sensationalize, ay maari makaapekto sa atin, at sa ating mga kapus-palad na mamayan na pumipikit mata na lamang kapag ang kanilang legal na karapatan ay naapakan dahil sila ay walang pambayad ng isang pribadong abogado. Ang PAO at ang PAO Forensic Team ay napatunayan ng epektibo sa mga nahawkan nitong kaso tulad ng Santillan’s Case, Sulpicio Lines Case at nito ngang huli ay ang DENGVAXIA SCAM. Ang pag-alis ng plantilya ng mga PAO Forensics Doctors ng mga senador tulad ni Angara at Drilon kung ano man ang kanilang dahilan, ay dapat hindi manaig. Ang ACCRA Law ang na siyang Legal Firm ni Congresswoman Garin at iba pa sa kaso nila sa DENGVAXIA SCAM, ay linked sa dalawang Senador na nabanggit. Hahayaan ko kayong mag-isip kung ano nga bang dahilan kung bakit nila pilit na binubuwag ang PAO Forensic Team and Laboratory.

Kapag mayroong katanungan maaring mag email sa [email protected] o mag like at mag comment sa fan page na Medicus Et Legem sa facebook link ( https://www.facebook.com/Dr-Sam-Zacate-Medicus-et-Legem- 995570940634331/)    – Dr Samuel A Zacate

Comments are closed.