ANG GINHAWA AT TAGUMPAY SA BUHAY

Magkape Muna Tayo Ulit

HINDI puro pera ang sukatan upang maramdaman na nakaaangat ka sa buhay. May kanya-kanya tayong mga sariling pagsusukat o pangangailangan para masabi natin na nakaaangat o matagumpay tayo sa buhay.

Isa na rito ang pagkakaroon ng maginhawang pamumuhay. Simpleng kaligayahaan. May bahay na mauuwian. Sapat na mga bagay upang matustusan ang pangunahing pangangalilangan. Pagkain, damit at tahanan.

Ngunit sa makabagong pamumuhay, mahalaga ang may tuloy-tuloy na serbisyo ng tubig at koryente. Marami pa rin tayong mga kababayan, lalo na sa informal settler communities ang hindi mabigyan ng serbisyo ng tubig at kor­yente.

Isang malaking suporta rito ang nabanggit ng isang dating mambabatas na si Terry Ridon. Siya ngayon ay abala na nagtutulak ng adbokasiya na Infrawatch PH. Kanyang nabanggit na ang public utilities sa ating bansa ay dapat gumawa ng mga programa upang matulungan ang ating mga kababayang mahihirap.

Nabanggit niya na noong siya’y nasa Presidential Commission for the Urban Poor pa, nagkaroon sila ng isang programa katulong ang Manila Water na tinawag na Tubig Para sa Barangay (TPSB) kung saan nakapagpalatag sila ng mga tubo ng tubig para maserbisyuhan ang 500 urban poor households sa Taytay, Rizal noong 2017.  Dahil din sa programang ito, naibaba ang singil sa tubig para sa komunidad na iyon mula sa P50/cubic meter sa napakababang P15/cubic meter.

Bukod sa tubig, importante rin naman ang magkaroon ng tuloy-tuloy na serbisyo ng kor­yente ang mga kabahayan.  Iba rin naman talaga ang pakiramdam kung may ilaw ka sa bahay, nakagagamit ng refrigerator, at nakapapanood ng telebisyon  kasama ang buong pamilya.

Malaking tulong din ang naibibigay ng Me­ralco sa kanilang mga community electrification program na nakapagbigay na ng serbisyo ng koryente sa mahigit na 19 marginalized communities.

Inilarawan ng Meralco ang nasabing community electrification program na nakatutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga alternatibong paraan upang mabigyan ng serbisyo ng koryente ang mga lugar na ito.

Napag-alaman na ang Meralco ay nagtatayo pa ng karagdagang pasilidad upang maserbisyuhan pa ang 28 pang komunidad, kung saan lima rito ay nasa Batangas, at 23 naman ang nasa Metro Manila.

Ating suportahan itong panawagan ni Ridon na magtulong-tulong ang lahat upang sabay-sabay ang ating pag-angat.  Hindi lang dapat ang mga nasa itaas na ang nakatitikim ng maginhawang buhay. Lahat dapat ay magtulong-tulong upang ang bawat Filipino ay umasenso.

One thought on “ANG GINHAWA AT TAGUMPAY SA BUHAY”

Comments are closed.