NAPANOOD ko na rin sa wakas ang pinagkakaguluhang orihinal na pelikula ng ABS-CBN na eksklusibong palabas lamang sa iWant TV – ang “Glorious”.
Pinangungunahan ni Angel Aquino at Tony Labrusca, ang pelikulang ito ay tumatalakay sa tinatawag nilang May-December love affair kung saan ang 50-anyos na si Glory ay nakipag-relasyon sa 22-anyos na si Niko.
Habang marami ang tumalakay sa agwat ng kanilang edad at kung paano ito tinitingnan ng lipunan ay mas gusto kong bigyan ng pansin ang babae sa pelikula na naghahanap lang ng kanyang kaligayahan.
Isang malaking kabiguan para sa akin ang pelikulang ito na tila isang kasalanan ng isang ina sa kanyang mga anak kapag nagkaroon siya ng relasyon sa iba, kahit pa tapos na ang kanyang relasyon sa kanilang ama.
Spoiler alert pero tila sinisi ng pelikula kay Glory na nabuntis ang kanyang anak na babae nang maaga dahil sa kanyang “panlalalaki”.
Hindi nabigyang halaga ang ilang taong sakripisyo niya na pakisamahan ang kanyang asawa kahit hindi siya masaya dito at si-nasaktan pa siya. Pati na ang solo niyang pagpapalaki sa kanyang mga anak dahil tuwing Sabado’t Linggo lamang umuuwi sa kanila ang kanyang asawa.
At higit sa lahat, ang panlolokong tinanggap niya sa nakaraang pitong taon mula sa asawa na mayroon palang relasyon sa kanyang sekretarya.
Sa pelikulang ito ay nasa sapat na gulang na ang mga anak ni Glory at pawang tapos na sa pag-aaral.
Kung tutuusin ay dapat tapos na rin ang tungkulin niya sa kanila.
Hindi naiangat ng pelikula si Glory bilang isang malayang babae na hindi lamang isang ina o asawa kundi isang tao na may sariling kakayahan at karapatang lumigaya.
Para sa akin, ito sana ang naging glorya ni Glory.
Comments are closed.