TATLONG linggo na ang nakararaan mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ). Ngayon ay nagsisimula nang masanay sa ganitong klase ng pamumuhay. Sabi nga ni Maxwell Maltz, “it takes 21 days to form a habit” at ngayong nakalagpas na tayo sa 21 na araw ay malamang marami na sa atin ang nagkaroon ng bagong routine sa araw-araw. Ayon nga kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ito na ang bagong normal. Nakatakdang matapos ang ECQ sa darating na ika-14 ng Abril. Ngunit malamang ay hindi rin magiging mabilis ang pagbalik sa normal ng mga bagay-bagay.
Mahaba pa ang ating laban. Kahit na makamit natin ang tinatawag na “flatten the curve”, hanggang mayroong mga hindi sumusunod sa mga protocol na ipinatutupad ng pamahalaan, magpapatuloy pa rin ang pagkalat ng virus, babagal lamang ito. Kung pagkatapos ng lockdown ay agarang babalik sa normal ang mga bagay, malaki ang posibilidad na magkaron ng tinatawag na “resurgence” ng COVID-19.
Walang duda na kakayanin natin ang dagok na ito dahil likas tayong matatag at matibay sa mga hamon. Iyan ang tatak ng mga Pinoy. Sa gitna ng pandemya at mga kalamidad ay nagagawa pa rin nating tumawa at maging masaya. Ngunit upang mas mabilis nating mapagtagumpayan ang pagsubok na ito, ang pamahalaan ay kailangang makapag-isip ng mga naaangkop na istratehiya upang mapigilan na ang pagkalat ng virus na ito sa ating bansa.
Minsan ay nakapanghihina ng kalooban na isipin na kulang ang paghahanda ng ating pamahalaan sa pandemyang ito. Ang totoo, kahit naman ang mga bansa na mas maunlad pa sa atin ay hindi rin naging handa sa pagdapo ng pandemyang ito sa mundo. Ang ilang mga bansa na kabilang sa G7 gaya ng Italy, UK, at US ang mga nangunguna sa dami ng bilang ng mga positibong kaso sa buong mundo.
Habang lumilipas ang mga araw ay natutukoy na ng bawat bansa kung aling istratehiya ang epektibo para sa kanila. Ang mga istratehiyang ito ay naibabahagi sa ibang bansa sa pamamagitan ng media. Hindi ito ang panahon upang magpasikat at umepal. Hindi rin ito ang panahon para magpagalingan. Napakahalagang maibahagi sa bawat isa ang iba’t ibang epektibong istratehiya sa pagpigil sa pagkalat ng COVID-19. Buhay ng napakaraming tao ang nakasalalay rito.
Kailangang bilisan ng pamahalaan ang pagkilos upang mapigilan ang COVID-19. Ito ay upang maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga namamatay dahil sa virus na ito. Huwag nating hayaang matulad tayo sa Spain na pumalo na sa higit sa 10,000 ang naitalang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19. Ang bilang ng mga namatay sa ating bansa ay umabot na sa higit sa 100.
Mahalagang malaman mula sa pamahalaan, partikular na sa Department of Health (DOH) kung bakit tila hindi nito napaghandaan ang naging paglobo ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Maliban sa pag-rekomenda ng lockdown, mayroon pa bang ginawa ang DOH upang mapigilan ang mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 dito sa ating bansa?
Noong nakaraang linggo, araw ng Martes, pumalo sa higit sa 500 kaso ng COVID ang nadagdag sa bilang. Ito ang pinakamataas na naitalang bilang sa isang buong araw. Noong Biyernes ay tumuntong na sa tatlong libo ang bilang ng kaso ng nagpositibo sa COVID. Samantalang ang bilang ng mga namatay ay nasa higit sa 100 at ang bilang ng mga tagumpay na gumaling sa COVID-19 ay nasa higit sa 50 pa lamang.
Ako, bilang isa sa mga kabilang sa “high risk group” dahil sa aking diabetes, ay umaasa na mayroong mga ospital na nakatalaga para tu-manggap ng mga pasyenteng may COVID kagaya ng ginawa ng China sa Wuhan kung saan sa loob ng isang linggo ay nagpatayo ito ng ospital na inilalaan upang mangasiwa sa mga kasong pangkalusugan na may kinalaman sa COVID-19.
Sa kasamaang palad, tila wala tayong maayos na protocol. Kung ikaw ay may sintomas gaya ng lagnat, ano ba ang gamot na dapat inumin? Mayroon bang bawal? Maaari bang uminom pa rin ng mga karaniwang gamot panlaban sa mga sintomas na nabanggit?
Ukol sa mga gamot na maaaring inumin, mainam sana kung pag-aralan ng DOH ang paggamit sa mga gamot na malawakan ding ginagamit ng ibang bansa sa paglaban sa COVID-19 gaya ng Plaquenil, Azithromycin, at Avigan. Sa kasalukuyan, naghihintay ang Japan ng pag-apruba sa Avigan bilang opisyal na gamot para sa coronavirus. Kailangang maging mabilis ang ating pamahalaan sa pagpapatupad ng mga naaangkop na istratehiya dahil sa mga kagaya kong may pre-existing condition na diabetes.
Ang isang malaking katanungan sa kasalukuyan ay kung magpapatuloy ba itong ECQ? O tayo ba ay hahantong sa tinatawag na herd immunity kung saan hahayaan na lamang na kumalat ang virus hanggang sa ito ay mawala nang kusa dahil mauubusan na ito ng pupuntahang katawan dahil ang lahat ng tao ay immune na sa virus. Buhay ang pinag-uusapan natin kaya kailangang maging maagap ang ating pamahalaan ukol sa isyung ito. Kailangan ding mas paigtingin pa ang komunikasyon ukol sa COVID-19.
Ako ay umaasa pa rin na masasagot ng ating pamahalaan ang mga importanteng katanungan na ito.
Ang iba’t ibang bansa na naapektuhan ng COVID-19, kasama ang US at UK ay napagtanto na hindi ito kagaya ng karaniwang trangkaso ga-ya ng paniniwala ng iba. Bilang halimbawa, ang isang diabetic na gaya ko ay may mataas na posibilidad pa na gumaling matapos madapuan ng karaniwang trangkaso ngunit kung coronavirus ang dadapo sa akin, walang katiyakan na ako ay mabubuhay pa. Kung susuriing mabuti ang mga medical background ng mga namatay dahil sa COVID sa ating bansa, bukod sa karamihan ay mga may edad na 50 pataas, halos lahat ay may-roong mga pre-existing medical condition gaya ng diabetes at hypertension. Ang pagkakaroon ng diabetes dito sa ating bansa ay isang pangka-raniwang bagay, maging Type 1 man yan o Type 2 na diabetes. Ang coronavirus ay direktang umaatake sa baga at sa daanan ng hangin ng ta-ong dadapuan nito at karamihan sa mga may diabetes ay may problema na sa daanan ng hangin bilang epekto ng sakit.
Napakalaking tulong ng lockdown sa kalusugan at kaligtasan ng mga senior citizen at sa mga mayroong pre-existing medical condition gaya ng diabetes, hypertension, at cancer. Napakasuwerte rin ng mga ilang komportable sa bahay at mayroong sapat na supply. Ngunit paano ang ating mga kapwa na isang kahig, isang tuka. Kung para sa iba ito ay isang makasaysayang karanasan, sa mga naghihirap sa buhay, ito ay isang matinding hamon. Karamihan sa kanila ay arawan ang trabaho at arawan din ang kita. Para sa ating mga mamamayan na ganito ang problema, ang COVID-19 ay isang matinding dagok sa kanilang buhay gaya kung paano ito isang mabigat na hamon sa ating ekonomiya. Ngunit ang tunay na talagang nasa panganib sa panahong ito ay ang ating mga frontliner na kahit gustong pangalagaan ang sarili ay mas pinipiling magpatuloy sa pagseserbisyo sa bayan.
Marami nang frontliners ang naisama sa tala ng mga namatay dahil sa COVID-19. Ang iba sa mga ito ay mga doktor at mayroon ding pulis.
Kailangan ding mas maging agresibo pa ang ating gobyerno sa pagpigil ng patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Napupuno na ang mga ospital at maaaring hindi na kayanin ng ating mga health worker sa mga pribado at pampublikong ospital ang dami ng pasyenteng kailangan nilang tutukan.
Ang tatlong pinakamalaking pribadong ospital sa bansa – St. Luke’s, Makati Medical Center, at Medical City, ay hindi na tumatanggap ng mga pasyenteng may COVID o hinihinalang may COVID. Lumabas na rin ang balita na ang Rizal Memorial Coliseum sa Pasay at Philspots Complex sa Pasig ay pansamantalang gagawing pasilidad para sa COVID. Ito ay magandang istratehiya na sana ay talagang mangyari.
Ang kakulangan ng DOH sa paghahanda at kakulangan ng mga supply pang-medikal at mga test kit ay nagresulta sa pagkawala ng maraming mga healthworker. Isang napakahalagang bagay ang makapagbigay ang DOH ng sapat na supply ng mga PPE sa ating mga healthworker upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga namamatay mula sa kanila dahil kapag patuloy na lumala ang sitwasyon at tuluyang kulangin ng mga healthworker sa bansa, magagaya tayo sa Italy, US, at Spain. Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga matagumpay na gumaling sa COVID ay wala pa sa kalahati ng bilang ng namatay. Mas marami ang pumapanaw kaysa sa gumagaling.
Sa aking personal na pananaw, magiging matindi na ang negatibong epekto sa ating ekonomiya kung pahahabain pa ang lockdown. Marahil mainam kung ang lockdown ay gawin na lamang sa mga piling lugar.
Mahalagang makahanap agad ng solusyon dahil maaaring bumagsak ang ating ekonomiya kapag nagpatuloy pa ang ating ECQ. Para sa kagaya nating third world na bansa, isang mahabang daan ang naghihintay para makabangon sakaling humantong tayo sa recession.
Isang bagay lamang ang sigurado sa ngayon. Ang pangyayaring ito ay magdadala ng pagbabago sa ating buhay. Ang buong mundo ay magbabago. Kung paano magbabago ang mundo, hindi natin alam. Ngunit sana ito ay maging mas mabuting mundo.
Nais kong muling magbigay-pugay sa ating mga frontliner na nag-alay ng kanilang mga buhay upang sagipin ang buhay ng mga nangangailangan. Hanggang may buhay, may pag-asa. Hanggang may buhay, dapat patuloy na lumaban.
Sama-sama tayo at magkaisa upang mapagtagumpayan ang dagok na ito at upang pagkatapos nito ay sabay-sabay tayong babangon para sa ating bansa.
Comments are closed.