ANG HOUSING PROJECT NI PANG. BBM AT PAHAYAG NI CONG. CO UKOL SA CHA-CHA

MASASABING nakamit ng gobyerno ang tagumpay sa housing project na inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.

Ayon kay PBBM, mahigit sa 80,000 na housing units ang naipatayo sa ilalim ng “Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing” Program.

Kamakailan, idinaos ang groundbreaking ng Ciudad Kaunlaran Housing Project Phase 2 at nagsagawa ng turnover ng 360 housing units sa Barangay Molino 2, Bacoor, Cavite.

Patuloy ang pagpapagawa ng pamahalaan ng tahanan para sa mga Pilipino, at naglaan din ng ₱700 milyon na emergency housing assistance program ang National Housing Authority (NHA) para sa 50,000 pamilya na naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad.

Hindi lang ito simpleng proyekto, kundi isang simbolo ng pangako ni Pangulong Marcos na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng maayos at disenteng tahanan.

Samantala, hindi napigilan ni House Committee on Appropriations chairperson at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co na pabulaanan ang pang-iintriga ni Albay Rep. Edcel Lagman.

Siyempre, may kaugnayan ito sa dagdag na pondo ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Co, hindi totoo na may kinalaman ang dagdag na pondo sa Charter change (Cha-Cha).

Ipinagtanggol ni Co ang Comelec at sinabi na humingi lamang ito ng dagdag na pondo.

Aniya, ito’y dahil kulang ang inilaan sa kanila sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP).

Binigyang diin ni Co na P14 bilyon lamang ang ibinigay sa Comelec at hindi P19.4 bilyon, at ito ay nasa ilalim ng regular na budget at hindi sa Cha-Cha fund.

Binatikos ni Co si Lagman sa pagiging malilimutin.

Pinaninindigan ni Co na hindi maaaring gamitin ang pondo ng Comelec para sa anumang layunin bukod sa eleksiyon at plebisito.

Kaya naman, hinamon pa niya si Lagman na patunayan ang kanyang akusasyon, kung hindi ay manahimik na lamang ito.

Ang tawag diyan ay malinaw na paglilinaw.

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.