ANG IKA-50 TAON NG NATIONAL NUTRITION MONTH

LIMAMPUNG taon na ngayong buwan ng Hulyo ang Nutrition Month na idineklara noong 1974 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng Presidential Decree 491. Nilalayon ng batas na maipamulat sa lahat ang kahalagahan ng tamang nutrisyon.

Ang batas na ito ang naging daan sa pagtatatag  ng National Nutrition Council (NNC)  na nanguna sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa importansiya ng nutrisyon.

Hanggang sa kasalukuyan, napakalaki pa rin ng problema ng Pilipinas sa malnutrisyon. At kapag sinabing malnutrisyon, hindi lamang ito ang mga Pilipinong kulang sa timbang o payat na payat, kumdi  maging ang nga obese, sobra sa timbang o kaya naman ay kulang sa kaukulang nutrisyon sa katawan.

Pinakamalaking bilang ng nangangailangan ng atensiyon sa suliraning ito ang mga bata na napatunayang sa kanilang paglaki o pagsapit ng kanilang adulthood ay nagiging unproductive at may malulubhang karamdaman tulad ng sakit sa puso at diabetes.

Sa ngayon, 30 porsiyento ng mga batang may edad 5 pababa ay nababansot at delayed ang physical and mental development dahil sa poor nutrition. Sabi nga ng World Health Organization, nagdudulot ng negatibong epekto sa buhay ng isang tao kung sa umang 1,000 araw pa lamang niya sa mundo (mula sa ipinagbubuntis  pa lamang siya hanggang sa edad na 2) ay kulang na sya sa nutrisyon.

Maaaring makaapekto ito nang malaki sa kanyang abilidad sa pag-isip kaya kadalasan ay mahina rin ang kanyang performance sa paaralan. Sa kanyang pagtanda, madali siyang dapuan ng iba’t ibang karamdaman, na nagiging dahilan upang hindi rin siya maging produktibo sa kanyang pamumuhay.

Sa pagtataya ng Nutrition International, kung patuloy na magiging problema ng Pilipinas ang malnutrisyon sa mga darating na panahon, posibleng P2.3 trilyon ang mawala sa kita ng bansa dahil malaking bahagi ng populasyon nito ang hindi produktibo.

Isa sa mga batas na ating iniakda, ang Republic Act 11148 o ang Kalusugan ng Mag-Nanay Act (First 1,000 Days Law) ang direktang tumututok sa problema natin sa malnutrisyon, katunayan ang pagtatatag nito ng isang malawakang programa na magbibigay solusyon sa mga suliraning pangkalusugan ng mga bata.

Tumanggap ng malaking papuri ang batas na ito mula sa Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 kung saan isa tayong commissioner, dahil sa mga aksiyong nagawa ng naturang batas para labanan ang stunting and malnutrition.

Isa rin sa mga batas na ating inisponsor sa Senado at isa rin tayo sa mga awtor ay ang Republic Act 11210 o ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law. Sa ilalim ng batas na ito, kapwa tinututukan ang kalusugan ng nanganak na ina at ng kanyang bagong silang na sanggol.

Pangunahing layunin ng batas na masigurong maibibigay ng ina sa kanyang sanggol hanggang sa ikaanim na buwan nito ang kinakailangang nutrisyon. Sa loob ng higit tatlong buwang maternity leave, mas nakakapagpokus ang ina sa pag-aalaga sa kanyang anak at nakatutulong din ito sa kanya upang  mabawi ang lakas mula sa pinagdaanang hirap sa panganganak.

Matatandaan na sa mga unang taon ng aking namayapang ama bilang senador, nagsilbi siyang principal author o pangunahing awtor ng Republic Act 7600 o ang Rooming-In and  Breastfeeding Act of 1992. Malaking tulong sa pangangatawan at mental development ng isang sanggol ang regular na pagpapasuso sa kanya ng kanyang ina hanggang sa ikaanim na buwan at maging kaakibat ang breast milk sa iba pang nutrisyon ng bata pagkalipas ng ikaanim na buwan nito.

Sa huling taon naman natin bilang Finance committee chairman ng Senado (kung saan huling taon na rin nating bilang senador), siniguro nating may nauukol na pondo sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act o pambansang budget ang mga programang tututok sa proper development ng mga bata, partikular ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Naglaan tayo ng P19 milyon sa Early Childhood Care and Development program para pondohan ang pagsasanay ng child development workers at ng mga guro. Base ito sa rekomendasyon ng EDCOM 2 na gawing professionalized ang child development workers dahil sila ang sumisiguro na nabibigyan ng tamang nutrisyon ang mga bata mula edad 0 hanggang 4, at may access sa early education sa kani-kanilang komunidad.

May inilaan din tayong P300 milyon sa Department of Health na gagamitin sa pagtulong sa nutritionally-at-risk mothers na hindi nasasailalim sa DOH-World Bank Philippine Multi-Sectoral Nutrition Project.

Hindi natatapos sa mga programang ito ang tulong ng gobyerno sa pagresolba sa malnutrisyon. Marami pang malalaking batas at programa ang nakahanda kaya’t kailangang makalap natin ang lahat ng suliraning pangkalusugan na nagiging dahilan ng stunting and malnutrition ng mga batang Pinoy.