MUKHANG hindi na mapipigilan ang paglaganap ng modernisasyon, computer, internet o cyberworld sa ating henerasyon.
Maganda naman daw ang epekto nito para sa lahat.
Talagang nagdudulot ito ng mabilisang pakikipag-ugnayan ng bawat mamamayan sa buong mundo.
Hindi naman kasi maitatangggi na dati-rati, ang mga pinagkukunan ng mga impormasyon ay ang mga tinatawag na “mainstream media.”
Kinabibilangan sila ng mga pahayagan, telebisyon at radyo.
Ngunit sa pagpasok ng social media, tila nagbago sa isang iglap ang kalakaran sa impormasyon, naging mabilis at personal habang ang ugnayan ng bawat isa sa mga gumagamit nito ay mas lalong napapadali.
Nang pumasok nga ang COVID-19 pandemic noong 2020, higit pang lumaganap ang makabagong teknolohiya tulad ng paggamit ng kiosk machines, e-money kiosks, digital hubs at online platforms.
Halos kalahati nga raw ng kabuuang bilang ng mga Pilipino ay mas gustong gumamit ng digital na plataporma sa pagtanggap nila ng pera.
Batay raw sa datos ng World Bank, binanggit ng Western Union na ang Pilipinas ang pang-apat sa pinakamalaking inbound (receiver) market sa daigdig na sumirit sa $37 bilyon noong 2021.
Ayon kay Jean Claude Farah, president for its Middle East & Asia Pacific operations ng remittance firm, nakagawa na ng mga signipikanteng hakbang ang national government at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa digital transformation at paglikha ng malinaw na financial inclusion strategy.
May ilang barriers nga lang daw o balakid sa paggamit ng digital money transfer services dahil may ilan na gusto pa rin ng face-to-face interaction habang problema rin ng ilang users ang connectivity, limitadong kaalaman sa digital services, at kawalan ng online banking history.
Ang ilang courier at logistics service provider naman gaya ng Flash Express, J &T, Ninja Van at iba pa ay nakikipag-partner na rin sa malalaking e-commerce platforms sa bansa na kinabibilangan ng Lazada, Shopee, Edamama, UnionBank at TikTok Shop upang mas mapalakas pa ang kanilang operasyon ngayong holiday season.
Sa kabilang banda, problema nga lang ng ilang kompanya ang talamak pa rin na pamemeke ng ilang produkto at serbisyo sa bansa.
Nabulgar pa nga ang pangongopya raw ng BTI Payments Philippines, Inc. (BTI) sa kiosk machines ng Manila Express Payments System (MEPS) kaya’t inatasan ito ng arbitral tribunal na bayaran ng milyun-milyong piso ang MEPS.
Sa pagkakatuklas ng kaparis na patented utility model na kinopya raw ng BTI, inilabas ng Philippine Dispute Resolution Center Inc. (PDRCI) ang arbitral award pabor sa MEPS noong Nobyembre 4, 2022 nang mapatunayang lumabag daw ito sa intellectual property law sa pakikipagsabwatan ng Electronic Transfer & Advance Processing Inc. (E-TAP).
Nagkaroon daw pala ng serye ng mga pagsalakay ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) laban sa BTI noong July 2020 at March 2021 matapos maglabas ng search warrants sina Judge Reinalda Estacio-Montesa ng Regional Trial Court, Branch 46, Maynila at Judge Elma Rafallo-Lingan ng RTC, Branch 159, Pasig na may kinalaman dito.
Ang nakagugulat nga, sa mga operasyong iyon ay nabuking ang ilang kiosk machines na nagtataglay daw ng pangalang “Pay & Go” na may kaparehong flow system at utility model ng TouchPay na pag-aari at pinatatakbo ng MEPS.
Dito nga nasilip na may paglabag ang BTI sapagkat nakarehistro raw pala ang utility model ng MEPS sa Intellectual Property Office (IPO).
At maliban sa E-TAP na siyang gumawa raw ng “Pay & Go” kiosk machines, nakaladkad din sa reklamo ang ilang opisyal ng BTI na sina Peter Alexander Blacket, David Scott Glen, Danilo Ibarra, Neil Sison at Alina Sison dahil sila raw ang nagbigay ng “go signal” para mailabas ang mga nasabing makina.
Tsk, tsk, tsk.
Nawa’y mas mapaigting pa ang kampanya o paghahabol ng pamahalaan sa mga hinihinalang namemeke ng iba’t ibang produkto at serbisyo sa bansa upang hindi na pamarisan ng iba.